Gamit ng mga Bantas


Ang mga bantas (punctuation) ay pantulong upang maunawaan ng mga mambabasa ang buong kahulugan ng isang teksto o babasahin. Narito ang mga karaniwang bantas na ginagamit sa pagsulat:

Ang tuldok/ period (.) ay ginagamit na pananda:

  • Sa pagtatapos ng isang pangungusap.
  • Sa pangalan at salitang dinaglat o pinaikli.
    • Mga halimbawa: Si Gng. A.A. Jose ay mahusay magturo.
  • Sa mga titik o tambilang na ginagawang pamilang sa bawa’t hati ng isang balangkas, talaan.

Ginagamit ang tandang pananong/ question mark ( ? ):

  • Sa pangungusap na patanong.
    • Mga halimbawa: (a) Ano ang pangalan mo? (b) Sasama ka ba?
  • Sa loob ng panaklong upang mapahiwatig ang pag-aalinlangan sa diwa ng pangungusap.
    • Mga halimbawa: (a) Si Manuel Roxas ang ikalawang (?) pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Ang bantas na tandang padamdam ( ! )

  • Ginagamit sa hulihan ng isang kataga, parirala o pangungusap na nagsasaad ng matindi o masidhing damdamin.
  • Mga halimbawa:
    • Mabuhay ang Pangulo!
    • Uy! Ang ganda ng bago mong sapatos.
    • Aray! Naapakan mo ang paa ko.

Ang kuwit/ comma ( , ) ay ginagamit sa ganitong mga kaparaanan:

  • Paghihiwalay ng isang sinipi.
  • Sa paghihiwalay ng magkakasunod na salita at lipon ng mga salitang magkaka-uri.
    • Halimbawa: Kumain ka ng itlog, gulay at sariwang bungang-kahoy. Shana, saan ka nag-aaral ngayon?
  • Sa hulihan ng bating panimula at bating pangwakas ng isang liham-pangkaibigan.
    • Mga halimbawa:
      Mahal kong Marie,
      Nagmamahal,
      Sa iyo kaibigang Jose,
  • Sa mga lipon ng salitang panuring o pamuno.
    • Mga halimbawa: Si Andres Bonifacio, ang ama ng Katipunan, ay isinilang sa Tondo. Si Pastor Arias, isang mahusay na tagapagtanggol, ay isang Manobo.
  • Sa hulihan ng bilang sa petsa, o sa pagitan ng kalye at purok at ng bayan at lalawigan sa pamuhatan ng isang liham.
    • Mga halimbawa:
      Nobyembre 14, 2008
      Project 8, Quezon City
  • Sa paghihiwalay ng tunay na sinabi ng nagsasalita sa ibang bahagi ng pangungusap.
    • Halimbawa: Ayon kay Rizal, “Ang hindi magmamahal sa sariling wika ay higit pa sa mabaho at malansang isda”.

Ang kudlit/ apostrophe ( ‘ ) ay ginagamit

  • Panghalili sa isang titik na kina-kaltas.
    • Halimbawa: Siya’t ikaw ay may dalang pagkain. Ako’y isang mamamayang Pilipino at may tungkuling mahalin at pangalagaan ang aking bayan.

Ang gitling/ hypen ( – ) ay ginagamit sa loob ng salita sa mga sumusunod na pagkakataon:

  • Sa pag-ulit ng salitang-ugat o mahigit sa isang pantig ng salitang-ugat.
    • Hal. araw-araw
  • Kung ang unlapi ay nagtatapos sa katinig at ang salitang nilalapian ay nagsisimula sa patinig na kapag hindi ginitlingan ay magkakaroon ng ibang kahulugan
    • Hal. pag-ibig
  • Kapag may katagang kinaltas sa pagitan ng dalawang salitang pinagsama. Subalit, kung sa pagsasama ng dalawang salita ay magbago ang kahulugan, hindi na gagamitan ng gitling ang pagitan nito.
    • Hal. humigit at kumulang | humigit-kumulang
  • Kapag may unlapi ang tanging ngalan ng tao, lugar, brand o tatak ng isang bagay o kagamitan, sagisag o simbolo. Ang tanging ngalan ay walang pagbabago sa ispeling o baybay.
    • Hal. maka-Diyos, maka-Rizal, maka-Pilipino, pa-Baguio, taga-Luzon
  • Sa pag-uulit ng unang pantig ng tanging ngalang may unlapi, ang gitling ay nalilipat sa pagitan ng inulit na unang pantig ng tanging ngalan at ng buong tanging ngalan
    • Hal. mag-Johnson magjo-Johnson
  • Kapag ang panlaping ika- ay iniunlapi sa numero o pamilang.
    • Hal. ika-3 n.h. ika-10 ng umaga ika-20 pahina
    • ika-3 revisyon ika-9 na buwan ika-12 kabanata
  • Kapag isinulat nang patitik ang mga yunit ng fraction.
    • Halimbawa: isang-kapat (1/4)
    • lima’t dalawang-kalima (5-2/5)
    • tatlong-kanim (3/6)
  • Kapag pinagkakabit o pinagsasama ang apelyido ng babae at ng kanyang bana o asawa.
    • Hal. Gloria Macapagal-Arroyo
    • Conchita Ramos-Cruz
    • Perlita Orosa-Banzon
  • Kapag hinati ang isang salita sa dulo ng isang linya.
    • Halimbawa: Patuloy na nililinang at pinalalawak ang pag- gamit ng Filipino.

Ang tutuldok/ colon ( : ) ay ginagamit matapos maipapuna ang pagpapakilala sa mga sumusunod na paliwanag, sa ganitong mga paraan:

  • Ginagamit kung may lipon ng mga salitang kasunod.
    • Mga halimbawa: Maraming halaman ang namumulaklak sa hardin tulad ng: Rosal, Rosas, Orchids, Sampaguita, Santan at iba pa.
  • Pagkatapos ng bating panimula ng pormal na liham o liham-pangangalakal.
    • Mga halimbawa Dr. Garcia, Bb. Zorilla:
  • Sa paghihiwalay sa mga minuto at oras, sa yugto ng tagpo sa isang dula, sa kabanata at taludtod ng Bibliya at sa mga sangkap ng talaaklatan.
    • Halimbawa: 8:00 a.m Juan 16:16

Ang tuldok-kuwit/ semicolon ( ; ) ay naghuhudyat ng pagtatapos ng isang pangungusap na kaagad sinusundan ng isa pang sugnay nang hindi gumagamit ng pangatnig, sa ganitong mga paraan:

  • Maaaring gumamit ng tuldukuwit sa halip na tutuldok sa katapusan ng bating panimula ng liham pangalakal.
    • Mga halimbawa: Ginoo; Bb;
  • Ginagamit sa pagitan ng mga sugnay ng tambalang pangungusap kung hindi pinag-uugnay ng pangatnig.
    • Mga halimbawa: Kumain ka ng maraming prutas; ito’y makabubuti sa katawan. Naguguluhan siya sa buhay; iniisip nya ang magpatiwakal.
  • Sa unahan ng mga salita at parirala tulad halimbawa, gaya ng, paris ng, kung nangunguna sa isang paliwanag o halimbawa.
    • Mga halimbawa: Maraming magagandang bulaklak sa Pilipinas na hindi na napag-uukulan ng pansin; gaya ng kakwate, kabalyero, banaba, dapdap at iba pa.

Ang panaklong/ parenthesis ( () ) ay ginagamit na pambukod sa salita o mga salitang hindi direktang kaugnay ng diwa ng pangungusap, gaya ng mga ginamit sa pangu-ngusap na ito.

  • Ginagamit upang kulungin ang pamuno.
    • Halimbawa: Ang ating pambansang bayani (Jose Rizal) ang may-akda ng Noli Me Tangere.
  • Ginagamit sa mga pamilang o halaga na inuulit upang matiyak ang kawastuhan.
    • Halimbawa: Ang mga namatay sa naganap na trahedya sa bansang Turkey ay humigit-kumulang sa labindalawang libong (12,000) katao.
  • Ginagamit sa mga pamilang na nagpapahayag ng taon.
    • Halimbawa: Jose P. Rizal ( 1861 – 1896 )
  • Ito rin ay puwedeng gamitin sa matematika:
    • Halimbawa: 24+(64÷8)-14=N 13+(25×29)=N 

Ang mga panipi/ quotation mark (“ ”) ay inilalagay sa unahan at dulo ng isang salita sa ganitong mga kaparaanan:

  • Ginagamit upang ipakita ang buong sinasabi ng isang nagsasalita o ang tuwirang sipi.
    • Halimbawa: “Hindi kinukupkop ang criminal, pinarurusahan,” sabi ng Pangulo.
  • Ginagamit upang mabigyan diin ang pamagat ng isang pahayagan, magasin, aklat at iba’t ibang mga akda.
    • Halimbawa: Nagbukas na muli ang “Manila Times”. Isang lingguhang babasahin ang “Liwayway”. Napaluha ang marami nang mapanood ang dulang “Anak Dalita”.
  • Ginagamit sa pagkulong ng mga salitang banyaga.
    • Halimbawa: Ang binasa niyang aklat ay hinggil sa bagong “Computer Programming”.

Ang tutuldok-tuldok o elipsis (…) ay nagpapahiwatig na kusang ibinitin ng nagsasalita ang karugtong ng nais na sabihin.

  • Upang ipakilalang may nawawalang salita o mga salita sa siniping pahayag. Tatlong tuldok ang ginagamit kung sa unahan o sa gitna ng pangungusap ay may nawawalang salita, subalit apat na tuldok kung sa mga salitang nawawala ay sa hulihan ng pangungusap.
    • Halimbawa: Ipinagtibay ng Pangulong Arroy …
  • Sa mga sipi, kung may iniwang hindi kailangang sipiin.
    • Halimbawa: Kung ikaw’y maliligo sa tubig ay aagap upang …

Source: https://tl.wikipedia.org/wiki/Bantas


Exit mobile version