ANG HABILIN NG INA Isinalin sa Filipino ni Magdalena G. Jalandoni (Maikling Kwento mula sa Iloilo)

Mga Talasalitaan:

  • lampara – Ilawang ginagamitan ng langis, alkohol, o gas.
  • buntong-hininga – Huminga nang malalim na parang naghihinagpis.
  • hinagkan – Pagkulong ng anuman o sinuman sa dalawang bisig.
  • naumid – Makimí sa pagsasalita; hindi masabi ang ibig sabihin dahil sa hiya o pag-aalangan.
  • dalamhati – Paghihirap ng kalooban nang dahil sa kasawian, kabiguan, pighati, lumbay, hapis, kalungkutan, atbp.
  • humikbi – Pag-iyak na pabugso-bugso at parang hinahabol ang paghinga kasabay ng pabugso-bugso ring pagsinghot.
  • habilin – Hulíng pangungusap na ipinagtapat ng isang namatay; anumang sinabi ng isang tao, lalong-lalo na iyong malápit nang bawian ng búhay, sa sinuman sa kaniyang kamag-anak o kaibigan at hinihiling niyang isagawa o isakatuparan ito; testamento.

Mga Tauhan:

  • Ina – ang nagbigay habilin sa kanyang anak bago bawian ng buhay
  • Crispin – isang mabuting bata at malalahanin sa mga hinabilin ng kanyang ina
  • Amo – isang maunawaing tao na nagbigay ng bagong pagkakaton kay Crispin

Sipi ng Akda:

Papalubog na ang buwan at mag-aalas onse na ng gabing iyon. Umuungol ang mga aso. Sa isang kubong kinatatanglawan lamang ng lampara ay nakahiga sa isang payak na higaan ang isang payat at maputlang babae na halos hindi makakilos dahil sa malubhang sakit. Nakaupo sa kaniyang tabi ang isang batang lalaking may sampung taong gulang. Sa uluhan ng maysakit ay may maliit na larawan ng Santo Kristo. Matagal niya itong tinitigan at pagkatapos ay hinipo at ilang ulit na hinagkan. Napabuntung-hininga siya, ang ilang namumuong luha sa kaniyang mga mata ay dumaloy na para bang may mahalagang habilin.

Nilingon niya ang anak at sinabihan. “Pinakamamahal kong anak at bahagi ng buhay ko, ito na ang sandaling magkakahiwalay tayo. Ako’y mamamatay na at maiiwan ka rito sa lupa sa pagtahak sa matinik na landas ng buhay. Maiiwan kang walang magulang at kapatid. Ang Diyos ang magiging ama mong mapagkakatiwalaan. Siya ang magbabantay at magsisilbing ilaw mo. Matagal nang itinuro ko sa iyo ang magandang asal.

Tinuruan kitang huwag mang-api at magnakaw. Isinasama kita sa simbahan tuwing Linggo at pista. Tinuruan din kitang pagsilbihan Siya na may-aring buhay mo. Maaasahan ko, kayang pahahalagahan mo ang magagandang asal na ito habang buhay ka?” Naumid ang dila ng bata at pagkatapos ng ilang sandali’y nagwikang: “Inay, igagalang ko ang gusto mo. Susundin ko ang mga habilin mo habang ako’y nabubuhay.”

Lumipas ang ilang sandali ng kanilang pag-uusap at tuluyang pumikit ang mga mata ng kawawang babae. Humalik siya sa noo ng bangkay hanggang sa ito’y binasa ng kaniyang mga luha. Nagdadalamhating humikbi ang bata at saka nagsalita: “Inay ko … Inay ko … !

Lumipas ang ilang araw at naipalibing ang bangkay ng kaniyang ina sa tulong ng mga kapitbahay. Si Crispin, ang naiwang bugtong na anak sa lupa ay namasukan sa isang mayamang amo. Makikita siya tuwing umagang bitbit ang bote ng gatas. Umaalis siya ng bahay tuwing umaga upang bumili ng gatas sa kaniyang suki. Sa kaniyang pag-uwi, dumaraan muna siya sa simbahan upang magdasal dahil ito ang habilin ng yumao niyang ina. Tinutupad niya ito na parang buhay ang inang nagbabantay sa kaniya.

Lumipas ang mga buwan. Sinusunod ni Crispin ang lahat ng utos ng kaniyang amo kaya nabihag nito ang kaniyang pagmamahal. Walang nangyayaring masama sa kaniyang paglalakad tuwing umaga maliban lamang noong isang umagang umuulan nang siya’y nadulas at nadapa kaya nabasag ang boteng may lamang gatas. Kinabahan si Crispin nang makitang dumaloy sa lupa ang lahat ng laman ng bote at walang naiwan kahit isang patak. Ito ang kauna-unahan niyang pagkakamali. Alam niyang malupit ang kaniyang amo at marahil kapag nalaman nila ang nangyari ay isang malakas na palo ang matatanggap niya. Nanginginig ang buo niyang katawan sa takot kaya hindi niya napigilan ang pag-iyak. Natatakot siyang umuwi na walang dalang gatas kaya bumalik siya sa kaniyang suki. “Mama …., ” ang sabi niya. “Natapon ang dala kong gatas. Bigyan mo ako ulit.”

“Anak, alam mong singkuwenta sentimos ang halaga ng dala mong gatas kanina. Hindi na kita maaaring bigyan pa ng libre. Bibigyan kita kagaya ng natapon ngunit ipangako mong babayaran mo bukas.”

Hindi kaagad nakasagot si Crispin. Huminga siya nang malalim na parang hindi alam ang gagawin. Ngunit saan siya kukuha ng perang pambayad sa gatas? Ito ang katanungang gumugulo sa kaniyang isipan nang araw na iyon.

Wala siyang mapagkunang pera. Nanginginig na ipinagtapat niya sa among nagkautang siya ng singkuwenta.Wala siyang nagawa kaya nalito siya ng gabing iyon. Dahil sa matinding pangangailangan, nakalimutanniya ang habilin ng ina. Dinukot niya ang bulsa ng amerikana ng kaniyang amo na nakasabit sa dingding.Walang ibang nakakita sa kaniya. Natagpuan niya ang nakahalong singkuwenta sentimos at iyon lang ang kaniyang kinuha.

Binayaran niya ang utang sa matanda kinaumagahan. Katulad ng ibang umaga, dumaan siya sa simbahan sa kaniyang pag-uwi. Lumuhod siya at nanalangin. Nang itaas niya ang ulo, nakita niya ang malaking  larawan ng Santo Kristo na sa tingin niya’y parang malungkot. Tatayo sana siya upang halikan ang paanan nito ngunit hindi niya nagawa dahil bigla siyang kinabahan. Naalala ni Crispin ang habilin ng ina. Kinatatakutan niya ang kaunting pagkakamali sa amo.

Naalaala niyang nagnakaw siya noong nakaraang araw ngunit hindi siya natatakot sa paggawa ng kasalanang ito sa Diyos na lumikha sa kaniya. Nanginginig ang buong katawan ni Crispin sa malaking takot sa Diyos na nagmamay-aring kaniyang buhay. Hindi niya napigilan ang pagdaloy ng mga luha sa mata. Buong pusong nagsisi siya. Tiningnan nito ang larawan at nagsabing, “Panginoon, patawarin mo ako. Pinagsisisihan ko na ang aking pagkakasala.”

Umuwi siya sa bahay na tinitirhan at walang takot na ipinagtapat sa among lalaki ang nagawa. Siya’y nagwika: “Ginoo, ninakaw ko ang singkuwenta sentimos sa bulsa ng amerikana ninyo habang natutulog kayo kagabi. Naibayad ko na po ang pera sa matandang pinagkautangan ko ng gatas. Handa akong tanggapin ang parusang katumbas ng aking pagkakamali.”

Sa halip magalit ang amo ni Crispin, niyakap siya nito at hinalikan sabay na nagwikang, “Simula ngayon, pinagkakatiwalaan na kita at kapag malaki ka na, magiging katiwala ka ng mga ari-arian ko.”

Nagkatotoo ang pangako ng amo dahil pinag-aral nito si Crispin. Sa paglipas ng panahon, siya’y isa nang ganap na binata, matalino, maka-Diyos at mapagkakatiwalaan ng lahat kapalit ang pagtupad sa mga habilin ng kaniyang ina.

Karagdagang Kaalaman:

  • Ang Iloilo ay lalawigan sa Pilipinas na matatagpuan sa rehiyong Kanlurang Visayas at sa Timog-Silangang bahagi ng pulo ng Panay at nasa hangganan ng Antique sa Kanluran at Capiz sa Hilaga.
  • Kilala ang mga taga-Iloilo bilang mga Ilonggo at ang kanilang wika ay pormal na kilala bilang Hiligaynon. Masasalamin sa kanilang mga panitikan ang mga pangarap at pananaw ng sinaunang lahi o sa pamanang Ilonggo. Taglay ng kanilang mga kuwento, tula, dula at iba pang saklaw ng literaturang Hiligaynon ang kapayakan, kadakilaan at kadalisayan. (Buenaobra, 2002 Mga Piling Literaturang Hiligaynon)
  • Ipinakita sa akda ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang nag-iisang anak. Na kahit na siya ay nasa banig ng kamatayan ay pinalalahanan pa rin niya ang kanyang anak na maging isang mabuting bata at palaging tandaan ang kanyang mga habilin.
  • Si Crispin ay isang halimbawa ng mabuting bata, sanay makinig sa kanyang magulang, may takot sa Diyos at hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa.
  • May pagkakataon mang nagkamali si Crispin sa kanyang desisyon sa buhay, muli niyang inalala ang habilin ng kanyang in ana maging Mabuti at ito ng ang naging dahilan upang humingi siya ng kapatawaran sa pagkakamali niyang nagawa.
  • Ang amo ni Crispin ay halimbawa ng isang taong sanay magbigay ng panibagong pagkakataon sa isang tao at hadang magpatawad.
  • Hindi masamang maging tapat ka sa pagkakamaling nagawa. Ang pagiging tapat ay maaaring maging dahilan upang ikaw ay mas pagkatiwanaan ng iyong kapwa. Ito ay maaaring maging daan sa ating kalayaan. Masayang mabuhay sa mundo na walang anumang mabigat na lihim o pagkakasalang dinadala.

BASAHIN: Ano ang Maikling Kuwento at Elemento nito?