Kasaysayan ng Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal


Kasaysayan ng Pagkakasulat


Kasaysayan ng Noli Me Tangere

Ating tuklasin ang mahalagang impormasyon tungkol sa kasaysyan ng pagkakasulat ng Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal.

Sinimulang isulat ito ni Rizal noong siya ay 24 na taong gulang at natapos niya ito sa edad na 26. Sa loob ng dalawang taon ay natapos ni Rizal ang pagsulat ng kanyang walang kamatayang obra.

Inumpisahan ni Rizal ang unang bahagi ng nobela sa Madrid, Spain nong 1884 at natapos ang unang kalahati. Ipinagpatuloy ni Rizal ang pagsusulat sa nobela sa Paris, France kung saan natapos niya ang kalahati ng ikawalang kalahati ng nobela. Pebrero 21, 1887, tinapos ni Rizal ang nobela sa Germany.

Halos nawalan na siya ng pag-asa na mailimbag ang nobela kaya napag-isipang sunugin ito. Salamat na lamang at dumating si Dr. Maximo Viola, isang dating kamag-aral na siyang tumulong kay Rizal sa pagpapalathala ng nobela at nagbigay ng pera sa halagang Php 300.00, gayundin nagpadala ang kapatid na si Paciano ng halagang Php 1,000.00 upang matugunan ang mga pangangailangan sa pagpapalimbag ng aklat.

Berliner Buchdruckrei-Action-Gesseichaft, ito ang palimbagang nag-imprenta ng Noli Me Tangere sa halagang P300 para sa 2000 kopya.

Nang dahil sa pagkagipit at pagtitipid ni Rizal, inalis niya ang isang kabanata sa Noli. Inalis niya ang “Elias at Salome”.

Inilaan ni Vicente Blasco Ibañez, isang bantog na manunulat, ang kanyang serbisyo bilang tagapayo at tagabasa ng nobela ni Rizal bago ito maimprenta.

Marso 21, 1887, Inilabas na ang nobelang Noli Me Tangere ni Rizal sa publiko sa wikang Kastila.

Bilang pasasalamat ibinigay kay Dr. Viola ang orihinal na manuskrito at ang plumang ginamit sa pagsulat ng nobela.

Sa kasalukuyan ang aklat ay nasa pag-iingat ng The National Library.

Inihahandog ang aklat sa Inang Bayan, bilang sagisag ng pag-ibig sa tinubuang lupa.

Layunin sa Pagsulat


Ating isa-isahin ang mga naging layunin ni Rizal sa pagsulat ng kanyang obra maestra.

Isinulat niya ang Noli Me Tangere upang mabuksan ang mga mata ng Pilipino sa kanser ng lipunan na nangyayari sa bansa. Naihalintulad ni Rizal sa sakit na kanser ang sitwasyon ng Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga kastila sapagkat tila ito’y wala ng kalunasan.

Ito’y naging instrumento upang makabuo ang mga Pilipino ng pambansang pagkakakilanlan. Sa pamamagitan ng mga sitwasyon at pangyayari sa nobela tila nabuksan ang puso at isipang makabayan ng mga Pilipino.

Ang aklat ay naglalaman ng mga bagay na hanggang sa kasalukuyan ay walang sinumang makapangahas na bumanggit. Ang mga bagay na iyon ay napakaselan kaya’t walang makasaling man lamang. Pinangahasan gawin ni Rizal ang di mapangahasang gawin ng sinuman.

Sinagot ni Rizal ang mga paninirang-loob ng daan-daang taon ay ikinulapol sa mga Pilipino at Inang Bayan.

Inilarawan din niya ang kalagayan ng lipunan at ang ayos ng pamumuhay roon, ang mga paniniwala, mga pag-asa, mga hangarin, mga karaingan, mga pagdadalamhati.

Tinambad ni Rizal ang mga pagpapaimbabaw na sa balatkayong relihiyon ay siyang nagpahirap at nagmalupit sa mga Pilipino

Ipinakilala rin niya ang kaibahan ng tunay sa di-tunay na relihiyon sa relihiyong ang kinakalakal ay ang Banal na Kasulatan upang mapagsalapi, upang papaniwalain sa mga kahangalang sukat ikahiya ng Katolisismo kung ito lamang ay malalaman.

Inangat ni Rizal ang tabing upang ipakita kung ano yaong nasa likod ng mga madaya at nakasisilaw na pangako ng pamahalaang Kastila.

Inilahad rin ni Rizal sa Nobela kung ano-ano ang mga kapintasan, ang mga bisyo, ang pagwawalang-bahala sa mga pagdaralita roon na nagpapakilala ng karuwagan at tunay na masisisi sa kanyang mga kababayan.

Ang mga pangyayaring isinaysay sa nobela ay pawang katotohanan at tunay na nangyari; ang mga iyon ay maaari patunayan. Maaaring ang aklat ay may mga kapintasan kung sining at ganda ang pag-uusapan: iyan ay hindi itatanggi; datapwa’t ang hindi matutulan ay ang kawalan ng pagkiling ng pagsasalaysay ni Rizal.

Pagkamulat ni Rizal


Sa sarili niyang bayan, sa Calamba, unti-unting namulat ang kanyang mata sa kaawa-awang kalagayan ng mga Pilipino. Naligalig siya sa pang-araw-araw na kalupitan ng mga Espanyol. Nasaksihan niya kung paanong ang matatandang lalaki ay hinahagupit ng mga guardia civil kung hindi wasto ang pagsaludo sa kanila, kung hindi nag-aalis ng sombrero kung sila’y mapapadaan sa harapan nila; ang pagmamalupit sa mga babae at maging sa mga bata. Naging biktima rin ng kalupitan at kawalang katarungan ang pinakamamahal niyang ina, si Donya Teodora. Ibinilanggo siya sa maling paratang na kasabwat ng kapatid na si Jose Alberto sa tangkang paglason sa asawa nitong huli. Hindi pa napapawi ang kalungkutan sa pamilyang Rizal dahil sa pagkabilanggo ni Donya Teodora ay nagkaroon ng pag-aalsa sa Cavite na ibinintang kina Padre Burgos, Gomez, at Zamora, kasama ang ibang lider na Pilipino. Ang tatlong paring martir ay binitay sa pamamagitan ng garote sa Bagumbayan. Ang mga pangyayaring ito’y nagpakilala kay Rizal na nangangailangan ng malaking pagbabago ang kaniyang bayan-pagbabagong sa pamamagitan lamang ng karunungan at ng edukasyon matatamo.

Bumuo ng kontrobersya ang nobelang ito kung kaya’t pagkatapos lamang ng ilang araw na pagbalik ni Rizal sa Pilipinas, tinanggap ni Gobernador-Heneral Terrero sa Malacañang at nabisuhang puno ng subersibong ideya ang Noli.

Pagkatapos ng usapan, napayapa ang liberal ng Gobernador Heneral ngunit nabanggit niya na wala siyang magagawa sa kapangyarihan ng simbahan na gumawa ng kilos laban sa nobela ni Rizal.

Mahihinuha ang persekusyon sa kaniya sa liham ni Rizal sa Litoměřice:

“Gumawa ng maraming ingay ang libro ko; kahit saan, tinatanong ako ukol rito. Gusto nila akong gawing excommunicado dahil doon… pinagbibintangan akong espiya ng mga Aleman, ahente ni Bismarck, sinasabi nila na Protestante ako, isang Mason, isang salamangkero, isang abang kaluluwa. May mga bulong na gusto ko raw gumawa ng plano, na mayroon akong dayuhang pasaporte at gumagala ako sa kalye pagkagat ng dilim …

Librong naging Inspirasyon ni Rizal


Uncle Tom’s Cabin

Ang pagsusulat ng “Noli Me Tangere” ay bunga ng pagbasa ni Rizal sa “Uncle Tom’s Cabin” ni Harriet Beach er Stowe, na pumapaksa sa kasaysayan ng mga aliping Negro sa kamay ng mga panginoong puting Amerikano. Inilarawan dito ang iba’t ibang kalupitan at pagmamalabis ng mga Puti sa Itim. Inihambing niya ito sa kapalarang sinapit ng mga Pilipino sa kamay ng mga Kastila.

The wondering jew

Mula sa panulat ni Eugene Sue, ito ay tungkol sa isang lalaking kumutya kay Hesus habang siya ay patungo sa Golgota. Ang lalaking ito ngayon ay pinarusahan na maglakad sa buong mundo nang walang tigil.

bibliya

Ang pamagat na ” Noli Me Tangere” ay salitang Latin na ang ibig sabihin sa wikang Filipino ay ” huwag mo akong salingin” na hango sa Bibliya sa Ebanghelyo ni San Juan.

“Huwag mo akong salingin” – Juan 20:17


Exit mobile version