Noli Me Tangere Buong Kabanata 46: Ang Sabungan

Karaniwang ipinangingilin ang araw ng Linggo sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtungo ng sabungan kung hapon, tulad ng kinagawian naman sa Espanyan na pagtungo sa arena ng toro. Ang sabong, na may isang siglo ng sugal sa Pilipinas, ay isa sa mga bisyo sa bansa na higit na laganap noon kaysa paghithit ng opyo ng mga Intsik. Nagtutungi sa sabungan kahit ang mga dukha upang ipusta ang nalalabi nilang salapi sa paghahangad na kumita nang hindi nagtratrabaho. Ang mga mayayaman naman ay nagtutungo upang sa pamamagitan ng nalabing salapi sa handaan at misa ay makapaglibang. Alagang-alaga ng mga may-ari ng manok ang kanilang pansabong… higit pa sa pag-aalaga sa kanilang mga anak na siyang hahalili sa kanila sa sabungan.

Yamang ng panahon yaon ay pinapayagan ng gobyerno ang sabong at sa katotohanan ay nagpalabas pa ng regulasyon na maidaraos lamang sa mga ruwedang pampubliko tuwing araw ng pangilin (upang mabigyan ng pagkakataon na makapanood ang lahat at makaakit) pagkatapos ng misa hanggang dapithapon, kaya ang dati’t dating ring mga mukha ang makikuta sa sabungan ng San Diego nang Linggong iyon.

Walang pinagkaiba ang sabungang ito sa iba pang nasa ibang bayan maliban sa maliliit na detalye. Ito ay may tatlong pangunahing debisyon. Maluwang ang pintuan,may sukat na dalawang metrong taas at labing-apat na metrong luwang. May pinto sa bawat gilid, na karaniwang may banta na babae para siyang tumanggap ng bayad sa pagpasok. May porsiyento ang gobyerno sa bayad na ito. Umaabot sa daan-dang libong piso sa isang taon. Sinasabing ang kita sa bisyong ito ay ginugugol ng gobyerno sa pagpapatayo ng paaralan, mga tulay, pagpapaayos ng lansangan, at para sa kaunlarang pansakahan at pangkalahatan. Pagpalain nawa ang bisyong ito na nagpapasok ng kahangan-hangang pakinabang.

Sa unang dibisyon ito ng sabungan ang mga nagtitinda ng hitso, sigarilyo at tabako, at iba’ibang kakainin. Naririto rin ang maraming batang lalaki na isinama ng kani-kanilang mga ama at tiyuhin upang turuang humarap at makilala ang lihim na buhay.

Ang lagusang ito ay patungo sa karatig na mas malaki-laking lugar. Wari ay isang bulwagan na pinagtitipunan ng pampublikong manonood sa aktuwal na pagsasabong ng mga manok. Dito makikita ang karamihan sa mga tandang na pansabong. Nakatali sa mga pising ang dulo ay nakabaon sa lupa sa pamamagitan ng pakong buto o kahoy. Naririto ang mga mamumusta, ang mga tahur, ang mananari, mga kristo. Dito nagaganap ang pustahan, pag-aaral sa tindig ng mga manok, pag-uutangan ng salapi, pangakuan, at malalakas na tawanan. Sa isang sulok ay may isang sabungerong hawak ang paborito niyang tinal, hinihimas ang balahibo. Sa isang panig naman ay naroroon ang isang mananabong na nagbibilang ng kaliskis ng hawak na manok. May mga nagsusuri naman sa rekord ng mga panalo ng kanilang mga sasabungin. Mayroon din namang mga talunang sabungerong bitbit sa paa ang nahimulmulan nang patay na tinali na ilang buwang inalagaan at hinimas-himas araw-gabi… na ngayon ay maipagbibili lamang ng beinte sentimos para iulam sa hapunan. Sic transit gloria mundi! Sa gayon nagdaraan ang kaluwathatian ng daigdig! Umuuwi ang mga talunan sa piling ng sabik na naghihintay na maybahay at gusgusing mga anak… wala nang salapi ay wala pang manok. Sa kabila ng kanyang ginintuang mga pangarap, ang pag-asam nang maraming buwan, araw, at gabi… sa kabila nv mga hirap at gawain ay walang natabi kundi beinte sentimos… mga ano lamang pagkatapos ng makapal na usok.

Sa bulwagang ito ay walang napakatanga para hindi magkaroon ng boses, o napakapabaya para hindi suriin ang bahay-bahay, alamin ang timbang ng kalabang manok, ibukas ng pakpak, damahin ang kalamnan ng sasabungin. Magagara ang bihis ng kalabang sinusundan-sundan ng ilan upang pagkatapos ay paligiran at hangaran nang dala-dala nilang tinali. Ang iba naman, marurungis at halata sa mukha ang pagiging talamak sa bisyo, ay matiyagang sumusubaybay sa kilos ng mayataman upang makipusta sa mga manok na panlaban ng nga ito. Maaring masimot ang salapi sa kanilang bulsa ngunut hindi ang kasiyahan sa kanilang puso. Walang mukhang malungkot dito. Hindi makikita rito ang katamaran ng mga Pilipino. Masisigla ang bawat kilos ng lahat.

Kasunod ng pook na ito ang mismong ruweda na siyang pinagdarausan ng sabong o sultada. Ang ruweda ay naliligid ng mga bakof na kawayan. Mas mataas ito kaysa sa dalawang unang dibisyon. Sa pinakamataas na bahagi, na halos sumuko sa bubong, ay may mga upuan ng mga manonood o mamumusta. Kapag may sabong, ang pook na ito ay puno ng mga tao at bata. Nagsisigawan, nagmumura, nag-aaway, pinapawisan. Mabuti na lamang at halos walang babae rito. Sa mismong ruweda ay naroroon ang mga tanyag na tao, mayayaman, sikat na mamumusta, ang mga mamumuhunan, at ang reperio sentensiyador. Sa lapag sa gitna ay doon nagsasalpukan ang magkalabang manok na naghahatid ng halakhak at luha, ng kasaganaan at paghihikahos.

Nang Linggong iyon, ang alkalde, si Kapitan Pablo, si Kapitan Basilio, at si Lucas, ang may pilat sa mukha na labis na nasaktan sa pagkamatay ng kanyang kapatid, ay maagang nagtungo sa sabungan.

Nilapitan ni Kapitan Basilio ang isang tagaroon at nagtanong:

“Alam mo ba kung aling sasabungin ang ilalaban ngayon ni Kapitan Tiago?”

“Hindi po pero dalawa po ang dinala rito ngayong umaga. Isa po roon ang pula at puting tinali na tumalo sa talisain ng konsul.”

“Palagay mo ba’y may laban ang aking itim at puti?”

“Sigurado. Ipupusta ko ang aking bahay at damit na suot.”

Siyang pagdating ni Kapitan Tuagi. Tulad ng lahat ng kilalang sugarol ay nakapolo siya ng linen, lana ang pantalon, at naka-sumbrero ng buli. Kasunod niya ang dalawang utusan na dala ang pula at putting lasak at isang malaking puting tinali.

“Balita sakin ni Sinang ay pabuti na nang pabuti si Maria,” bati ni Kapitan Basilio.

 “Bumaba na ang kanyanv lagnat, pero nanghihina pa.”

“Natalo ba kayo kagabi?”

“Kaunti. Alam kong nanalo kayo. Titignan ba natin kung makababawi ako sa inyo ngayon?”

“Gusto ba ninyong ilaban ang inyong pula at puti?” tanong ni Kapitan Basilio, kinuha sa maydala ang lasak at kinaliskisan.

“Depende. Depende sa pustahan.”

“Magkano ang ipupusta n’yo?”

“Hindi kukulangin sa dalawa.”

“Nakita na ba ninyo ang aking itim at puti?” tanong ni Kapitan Basili at sinenyasan ang isang lalaking siyang may dala ng tinali.

Tiningnan iyon ni Kapitan Tiago, tinimbang-timbang, at sinipat ang mga kaliskis sa paa bago isinauli sa maydala.

“Magkano ang inyong ipupusta?” tanong niya.

“Kayo.”

“Dalawa’t kalahati?”

“O, sige, tatlo.”

“Para sa susunod.”

Ang pulutong ng mga mananabong at manonood ang mabilis na nagbalitang maglalaban ang dalawang bantog na tinali. Bawat isa’y may sariling kasaysayan at kabantugan. Nais makaliskisan ng lahat ang dalawang tanyag. Nagbigay sila ng kani-kanilang palagay at hula.

Nag-iibayi ang sigawan, namumuno ang ruweda, at sinasampahan ng mga tao pati mga upuan. Ipinasok ng mga sultador ang dalawang tjnali, pula ang isa at puti ang isa pa, natatarian ngunit naka-baina pa. Maraming sumisigaw ng para sa puti at isa o dalawa lamang para sa pula. Halatang maraming panig sa puti.

Nakikipaggigitan ang mga sundalo sa mga tao. Hindi sila naka-uniporme pero hindi rin nangakasilyang damit. Naka-maong nang guhitang pula, naka-kamiseta ng asul mula sa jacket, naka-cap ng fatigue: balatkayo itong nababagay sa kanilang pag-uugali. Nagsusugal sila habang nagbabantay at sila pa rin ang nanggugulo.

Sa gitna ng sigawan at pustahan na inutang lamang, ng ipinangakong kalabaw o susunod na ani, dalawang binatang anyong magkapatid ang nananaghiling nanonood sa mga nagsasabong. Nilapitan nila ang ilan at nahihiyang binulungan ngunit walang pumansin sa kanila. Lalo silang nawawalan ng loob tuwing mabubulyawan at bigo silang nagkakatinginan. Palihim silang minamasdan ni Lucas na nakangiti nang makahulugan. Kinakalansing niya sa kanyang kamay ang ilang pilak na piso habang padaan-daan siya sa magkapatid at isinisigaw sa mga ruweda ang:

“Singkuwenta manalo ng bente sa puti.”

Nagtinginan ang magkapatid.

“Sinabi ko na sa iyong huwag mong ipustang lahat ang pera natin.” Bulong ng nakatatandang kapatid.

Atubiling lumapit ang nakababatang kapatid kay Lucas at kinalabit iyon sa braso.

“O, ikaw pala?” kunwa’y nagulat sa wika ni Lucas. “Payag na ba ang kapatid ko sa balak ko, o pumarito kayo para pumusta?”

“Paano kami makakapusta? Naipatalo na naming lahat.”

“Ayaw niya, e. Kung mapauutang mo sana kami… sabi mo’y kilala mo naman kami…”

Nagkamot ng ulo si Lucas, hinaplos ang kamiseta bago sumagot:

“Kilala ko nga kayo. Kayo’y sina Tarsilo at Bruno, malalakas kayong binata. Alam ko ring namatay ang inyong ama dahil sa sandaang palo sa kanya ng mga sulo sa bawat araw. Alam ko ring wala kayong balak ipaghiganti siya.”

“Huwag n’yong pakialaman ang buhay namin,” sabad ni Tarsilo, ang matamda sa magkapatid.” Malas lang at may kapatid kaming babae, kung wala’y matagal na kaming nabitay.”

“Nabitay? Mga duwag lamang ang nabibitay at iyong mga walang kuwarta ni impluwensiya. Kung sabagay ay hindi naman kalayuan ang mga bundok.”

“Sandaan manalo ng bente sa puti!” sigaw ng isang nagdaan.

“Pautangin n’yo kami ng apat na piso… tatlo… dalawa,” pakiusap ng nakababatang kapatid. “Babayaran namin ng doble. Magsisimula na ang laban.”

Muling nagkamot ng ulo si Lucas.

“Hindi akin ang kuwartang ito. Ibinigay ito sa akin ni Don Ceisostomo para sa mga makikipaglaban para sa kanya, pero sa tingin ko’y di kayo katulad ng inyong ama. Ngayon, ‘yon ang lalaking malakas ang loob. Buweno, para sa duwag ay walang ligaya.”

Lumayo siya nang kaunti.

“Halika na, pumayag na tayo sa kanya. Anong kuwanta n’on?” pangangatwitan ni Bruno. “Bitawin o barilin, pareho; balewala naman tayong mahihirap.”

“Tama ka, ngunit alalahanin mo ang ating kapatid.”

Samantala’y hinawi na ang mga tao sa ruweda; magsisimula na ang labanan. Unti-unting tumatahimik. Ang dalawang sultador at ang mananari lamang ang nasa gitna ng arena. Sa hudyar ng reperi ay tinanggal na ang mga baina at nangislap ang nananakot na mga tari.

Umakyat sa bayod ang magkapatid, nanlulumo ay walang-kibo, nakakatang ang kanilang noo sa kawayan. Nilapitan sila ng isang lalaki at binulungan:

“Sandaang manalo ng bente sa puti, pare!”

Nalilitong tinignan siya ni Tarsilo. Kinalabit ni Bruno sa tagiliran ang kapatid ngunit inungulan lamang siya niyon.

Maingat na hawak ng mga sultador ang mga tinali nang hindi sila masugatan ng mga tari niyo. Naghari ang makapigil-hiningang katahimikan. Tila manikang wax ang lahat maliban sa dalawang sultador. Pinaglapit ang dalawang tinali, matatag na nakataas ang ulo ng isa habang tinutuka ito ng isa pa sa nakapagpainit sa una, kaya’t nagtukaan na ang dalawa. Kailangang patas ang labanan. Parisyan man o Pilipino ang sabong. Pinagharap ang dalawang sasabungin, palapit nang palapit upang makilala ng tinuka ang kalaban at nang kanyabg magantihan. Nangalisag ang kanilang mga balahibo at nagtitigan nang nanlilisik ang mabibilog na mga mata. Sumapit na ang sandali: binitawan ang dalawang manok sa lupa nang magkalayo at hinayaan nang mag-isa ang mga iyon.

Dahan-dahang naglapit ang dalawang manok. Maririnug ang kanilang yabag sa katigas na lupa. Walangvnagsasalita sa mga nasa ruweda at pigil nila pati paghinga. Tumaas-bumaba ang kanilang mga ulo at tila sinusukat ng kanilang mga mata ang bawat isa. Umungol ang mga tinalo na parang nananakot at nanggigigil sa malaking galit. Namataan nila kapwa ang mga taring nangingislap sa mangasol-ngasul na liwanag. Pinag-init sila ng nakaambang panganib at buong bangis silang nagsalpukan. Huminto sila nang magkalayo ng isang habang at nakatuon ang mga matang nagbaba ng ulo at naiamba ang kanilang mga tari. Nang mga sandaling iyon ay rumagasa ang daloy ng dugo sa maliliit na dumaluhong sa isa’t isa. Nagtagisan ang kanilang mga tuka, nagsagupa ang mga dibdib, nagsaksakan, naghampasan ng mga pakpak, ngunit buong husay na naiilagan ang mga taga at ilang balahibo lamang ang nangalaglag.

Muli silang nagsagupa. Biglang nanlundag ang puting tinali at nanaga ng nakamamatay niyang tari, pero nagbaluktot ng mga paa ang pulang tandang saka yumuko, kaya’t nanari sa hangin ang puti. Nang bumagsak ay biglang pumihit upang protektahan ang kanyang likod at hinarap ang pulang tandang. Buong bangis na nanibasib ang huli habang buong tatag na ipinagtatanggol ang sarili. Hindi yata siya basta-basta magiging paborito. Sinusundan ng lahat ang labanan na pigil ang hininga at may ilang pabigla-biglang sigaw. Nangakakalat sa ruweda ang duguang mga balahibo ng pula at putting tandang. Ngunit hinto ito ang labanang tatapusin sa unang pagbububo ng dugo. Para sa mga Pilipino, ang pagsunod sa batas ng pamahalaan ay isang duwelong tanging kamatayan o ang pagtakas ang makapagwawakas.

Basang-basa ng dugo ang lupa ng ruweda; paulit-ulit ang pagsasalpukan; ngunit hindi matiyak ang tagumpay. Sa wakas ay buong lakas na sumagupa ang putting tandang at nanaksak. Tumama ang kanyang tari sa pakpak ng pula at sumabit sa buti nito ngunit tinamaan din sa dibdib ang puti. Humihingal at nanghihina ang dalawang tandang dahil sa nabubo nilang dugong nagkahalo. Walang kumikilos hanggang sa bumagsak ang putting tinali, nalabasan ng dugo sa tuka, at nagkikisay sa hirap. Ang pulang tandang na nasabit ang pakpak sa puti ay nananatiling nakatayo sa tabi niyon, ngunit unti-unti ring namaluktok ang kanyang paa at ipinikit ang mga mata.

Sang-ayon sa mga opisyal na regulasyon ay ipinahayag ng reperi na ang pula ang nanalo. Nakatutulig na sigawan ang naging tugon sa gayong pasiya. Umalingawngaw sa buong kabayanan ang sigawan. Mahihinuha ng sinumang nakarinig mula sa malayo na natalo ang paborito. Ganito rin sa mga bansa. Habang panahong inaawit ng maliit na bansa ang kanyang pagtatagumpay laban sa isang malaking nasyon.

“Nakita mo ba ‘yon?” nagmamaktol na tanong ni Bruno sa kapatid, nang matalo ang puting paborito. “Kung naniwala ka sa akin ay may sandaang piso sana tayo ngayon. Kasalanan mo kung wala tayo kahit isang pera.”

Hindi sumagot si Tarsilo ngunit luminga na parang may hinahanap.

“Hayun siya, nakikipag-usap kay Pedro,” patuloy ni Bruno. “Nagbibigay siya ng salapi, maraming salapi.”

Totoo nga. Binibilangan ni Lucas ng maraming pilak ang kamay ni Pedro, ang asawa ni Sisa. Pabulong silang  nagpalitan ng ilang salita saka naghiwalay na anyong nasisiyahan.

“Sumapi si Pedro. ‘Yan ang lalaking nakukuha ang gusto.”

Nanatiling walang kibo at nag-iisip si Tarsilo. Pinahid niya ang pawis sa noo ng manggas ng kanyang kamiseta.

“Kuya,” wika ni Bruno. “Sasama ako kung hindi ka pa makapagpasiya. Gumagana ang ating sistema. Mananalo ang tinali ni Kapitan Tiago sa susunod na laban, at kailangang samantalahin natin ang pagkakataon. Gusto kong pumusta sa susunod na laban. O, ano? Tiyak namang ipaghihiganti rin natin ang ating ama.”

“Teka,” pakiusap ni Tarsilo. Kapwa sila namumutla. “Sasama ako sa’yo. Tama ka. Ipaghihiganti natin si Itay.”

Nag-atubili sila at muling pinahid ang pawis.

“Ano pa ang hinihintay mo?” naiinip na tanong ni Bruno.

“Hindi mo ba narinig? Bulik ni Kapitan Basilio laban sa lask ni Kapitan Tiago. Sang-ayon sa ‘ming sistema ay hindi maaaring matalo ang lasak ni Kapitan Tiago.”

“Sige, pupusta rin ako r’on, pero siguraduhin natin.”

Nasusuyang sumunod si Bruno sa kapatid. Kinaliskisan niyon ang sasabungin ni Kapitan Tiago, nagsusuri, nag-iisip-isip, at nagtatanong. Nalilito at nagdududa ang kaawa-awa.

Kinakabang sinulsulan siya ni Bruno:

“Hindi mo ba nakikita ang malalapad n’ong kaliskis sa tahid? Tignan mo ang tari— ano pa’ng gusto mo? Tingnan mo ang mga paa. Ang pakpak. Ang magkapatong na kaliskis!”

Hindi nakikinig si Tarsilo. Patuloy niyang kinaliskisan ang tandang. Waring naririnig niya ang kalansing ng nga ginto’t pilak.

“Tingnan naman natin ang sasabungin ni Kapitan Basilio,” bulong niya. Pumadyak si Bruno, nagtiim ang mga bagang, subalit sumusunod din sa kapatid.

Tinungo nila ang ibang pangkat. Tinatarian doon ang sasabungin. Kinikilatis ang mga tahid at binabalutan ng sedang pulang panali at pagkatapos ay hinihimas.

Nag-iisip na tingnan ni Tarsilo ang manok ngunit hindi ang sasabungin ang kanyang nakikita kung hindi ang kung anong bagay sa hinaharap. Hinaplos niya ang noo at namamaos na tinanong ang kapatid:

“Handa ka na?”

“Ako? Matagal na. Hindi ko na pag-aaksayahan ng panahong kaliskisan pa ang mga lintik na sasabunging ‘yan.

“Ngunit… ngubut ang kawawa nating kapatid.”

“Pero, hindi ba sinabi sa iyong si Don Crisostomo ang ating magiging lider? Hindi mo ba nakitang kasa-kasama siya ng gobernador-heneral? Pa’no tayo mapapahamak?”

“E, kung mapatay tayo?”

“E, ano? Ang atin namang ama’y pinatay sa palo.

“Tama ka.”

Hinanap ng magkaapatid si Lucas sa iba-ibang pangkat ng mga tao. Huminto si Tarsilo nang mamataan nila iyon.

“Hindi. Mabuti pa’y umalis na tayo rito. Madedesgrasya tayo.” Wika niya.

“Umalis ka kung gusto mo. Basta’t sasama ako.”

“Bruno!

Siyang paglapit sa kanila ng isang lalaki at nagtanong:

“Gusto n’yong pumusta? Ako’y sa bulik ni Kapitan Basilio.”

Hindi sumagot ang magkapatid.

“Sasabihin ko sa inyo ang pustahan.”

“Magkano?” tanong ni Bruno.

Binilang ng lalaki ang kanyang salapi: pinanood siya ni Bruno nang halos di humihinga.

“May dalawang piso ako—singkuwenta sa kuwarenta.”

“Ayoko,” mariing tanggi ni Bruno. “Gawin mong…”

“Sige, singkuwenta sa trenta.”

“Doblehin mo.”

“Sige na nga, tandang ito ng boss ko, at kapapanalo ko pa lamang. Sandaan sa sisenta.”

“Payag ako. Maghintay ka rito’t kukuha ako ng pera.”

“Ako ang hahawak ng pusta.” Sabi ng lalaking di-gaanong nagtitiwala sa hitsura ni Bruno.

“Pareho lang sa’kin, sagot ni Brunong higit na nagtitiwala sa kanyang kamao. Binalingan niya ang kapatid at nagwika. “kung hindi ka sasama’y aalis na ako.”

Nag-isip si Tarsilo: Mahal niya ang kanyang kapatid at ibig din niyang magsugal. Hindi niya maiiwang mag-isa si Bruno kaya’t bumulong siya, “Sasama ako.”

Nilapitan nila si Lucas; nakita sila niyong papalapit at ngumiti.

“Ginoo,” ani Tarsilo

“Ano ‘yon?”

“Magkano ang ibibigay n’yo sa amin?” tanong ng magkapatid.

“Sinabi ko na sa inyo. Kung makapagsama kayo ng nga sasalakay sa kwartel ay may trenta pesos ang bawat isa sa inyo, at sampung piso sa bawat kasama ninyo. Pag nagtagumpay, tig-iisang daang piso bawat isa at doble ang sa inyo. Makuwarta si Don Crisostomo.”

“Sige, sasama kami,” sagot ni Bruno. “Ibigay n’yo sa amin ang kuwarta.

“Alam kong kasintapang din kayo ng inyong ama. Dito tayo’t nang hindi tayo marinig ng mga pumatay sa kanya,” sabi ni Lucas habang itinuturo ang ilang sundalo. Sa isang sulok, habang binibilangan niya ng salapu ang magkapatid ay nagpahayag siya ng:

“Bukas ay darating si Don Crisostomo na dala ang mga armas. Samakalawa, alas-otso ng gabi, magpunta kayo sa sementeryo at may iba pa akong sasanihin sa inyo tungkol sa mga dapat gawin. Makapaghahanap pa kayo ng mga sasama sa atin.”

Naghiwalay sila. Nagkapalit ng kalagayan ang magkapatid. Payapa na si Tarsilo, si Bruno naman ang namumutla.

Exit mobile version