Noli Me Tangere Buong Kabanata 57: Pagdurusa ng mga Nadakip

Mabagsik na nakabantay ang mga guardia civil sa pinto ng munisipyo. Binabantaan ng dulo ng kanilang riple ang pangahas na mga batang nagtatangkang sumilip sa mga bintana. Mga nakatingkayad sila o kaya’y nakatuntong sa likod ng mga kasama.

Wala na ang saya sa bulwagan ng munispyo di tulad nang pagpulungan doon ang programa para sa pista. Ngayo’y mapanglaw at nakakabalisa ang kapaligiran. Bihirang mag-usap ang mga guardia civil at pulis-munisipyong naroroon. Mag-usap man sila’y pabulong pa. Ang kalihim-munisipal, dalawang klerk, at ilang sundalo ay nagsusulat sa malaking mesa. Palakad-lakad ang puno ng guardia civil. Madalas na titigan ang nanlilisik niyang mga mata ang pinto. Naghihikab sa isang sulok si Donya Consolacion. Lumitaw ang nangingitim niyang galagid at sungking mga ngipin. Nakatutok sa pintong patungo sa kulungan ang kanyang mga matang nagbabadya sa panganib.

Namumuno ang pinto sa nakasulat na malalaswang mga salita. Napakiusapan ni Donya Consolacion ang asawang nagging mapagbigay dahil sa tagumpay, na payagan siyang makapanood ng imbestigasyo, at marahil pati na ang kasamang pagpaparusa. Nakakalanghap at dumidila na sa bangkay ang hyena sa kanyang sarili. Nakakabagot sa kanya ang naabalang pagpaparusa.

Matamlay ang kapitan. Bakante ang silyon niyang nasa ilalim ng larawan ng hari. Tila inilaan na iyon sa iba.

Nang mag-aalas-nuwebe’y dumating ang kura, maputla’t nakakunot ang noo.

“Mabuti’t hindi napakatagal niyo kaming pinaghintay, hindi ba?” wika ng alperes na puno ng guardia civil.

“Hindi na ng asana ako paparito,” pabulong na sabi ni Padre Salvi na di pinansin ang panunuya ng pinuno. “Nerbiyoso ako.”

“Dahil sa abala ang lahat at walang sinumang makapaparito, naisip kong ang pagparito niyo’y…Alam ninyong aalis na sila ngayong hapon.”

“Si Ibarra at ang teniente mayor…?”

Itinuro ng alperes ang pintong patungo sa kulungan.

“Walo sila r’yan,” sabi niya. “Namatay si Bruno kaninang hatinggabi, pero nakarekord ang kanyang pahayag.”

Binati ng kura si Donya Consolacion bago naupo sa silyon sa ilalim ng nakasabit na larawan ng hari. Tinugon siya ng paghihikab at buntong-hininga.

“Puwede na tayong mag-umpisa,” wika niya.

“Kunin ang dalawang nakapangaw,” utos ng alperes sa tinig na totoo niyang pinabalasik. “Nakapangaw sila sa dalawang butas ang pagitan,” aniya sa kura sa binagong tinig.

Karaniwan nang ga-palad lamang ang agwat ng mga butas sa pangaw na pinagsusuutan ng mga paa ng bilanggo. Ang dalawang butas na pagitan ay nangangahulugan ng ibayong hirap ng katawan ng bilanggo, pagkat magkalayo nang halos isang dipa ang kanyang mga paa sa pagkakapangaw, ngunit mahuhulaang hindi ito magiging dahilan ng dagliang kamatayan.

Binuksan ng bantay ang pinto ng bilangguan na may kasunod na apat na sundalo. Nakasusulasok na amoy at maalmig na simoy ang umahon sa napakadilim na bilangguan. Ilang sigaw at panangis ang narinig. Isang sundalo ang nagkiskis ng posporo, ngunit namatay ang sindi sa tindi ng lamig sa paligid.

Sa malabong liwanag ng kandila ay maanyuan ang ilang bilanggo; mga lalaking yapos ang mga tuhod na pinagkukublihan ng kanilang mukha. May mga nakadapa at ang iba pa’y nakatayong paharap sa dingding. Maririnig ang pukpok at langitngit ng binubuksang pangaw kasabay ng mga pagmumura.

Nanghaba ang leeg ni Donya Consolacion sa pagkatitig sa nakaawang na pinto.

Isang lalaking anyong mapanglaw ang inilabas ng dalawang sundalo. Napuposasan siya. Inilitaw ng gula-gulanit niyang damit ang maskuladong pangangatawan. Nangungutya ang kanyang tingin sa asawa ng alperes.

“Ito ang isang mahusay manlaban, at ang nagpatakas sa kanyang mga kasama para iligtas muna ang kanilang sarili,” pagbabalita ng Alperes kay Padre Salvi.

Kasunod ni Tarsilo ang isang mareklamong bilanggo na umiiyak na parang bata. Paika-ika siya at puno ng dugo ang kanyang pantalon.

“Maawa kayo, ginoo, maawa kayo!” panagis niya. “Hinding-hindi na ako papasok sa bakuran ng kuwartel.”

“Luko-luko ang isang ‘yan,” namumunang wika ng alperes sa kura. “Tiangka niyang tumkas, pero nasugatan sa pigi. Sila lamang dalawa ang nadakip naming nang buhay.”

“Ano ang pangalan mo?” tanong ng pinuno kay Tarsilo.

“Tarsilo Alasigan.”

“Ano ang ipinako sa inyo ni Don Crisostomo kapag nalusob ninyo ang kuwartel?”

“Kailanma’y hindi nakipag-usap sa amin si Don Crisostomo.”

“Huwag mong ikaila. Dahil doo’y nilusob n’yo kaming bigla.”

“Nagkakamali kayo. Pinatay n’yo sa palo ang aming ama kaya’t ipinaghiganti naming siya. Iyon ang totoo. Tanungin ninyo ang dalawa naming kasama.”

Nagtatangkang tiningnan ng alperes ang sarhento.

“Inihulog naming sila sa bangin kahapon at mabubulok sila roon.” Anang pinuno.

“Ngayo;y patayin na rin n’yo ako at wala na kayong malalaman pa sa akin,” wika naman ni Tarsilo.

Natahimik at nagtaka ang lahat.

“Sabihin mo sa amin kung sino ang iba mo pang kasama,” pananakot ng pinuno na iwinasiwas ang tangang latigo.

Nanunuyang ngumiti ang bilanggo.

Sandaling nakipag-usap ang alperes sa kura, pumihit at inutusan ang mga sundalo:

“Ipakita sakanya ang mga bangkay!”

Sa sulok ng patyo, sa isang lumang kariton ay patong-patong ang limang bangkay na bahagya nang natatakpan ng nangangamoy at maruming banig. Palakad-lakad ang isang sundalo. Dumudura.

“Kilala mo ba sila?” tanong ng alperes na inangat ang banig.

Hindi sumagot si Tarsilo. Namukhaan niya ang asawa ng baliw at ang dalawa pa, ang kanyang kapatid na tadtad ng sugat sa saksak ng bayoneta, at si Lucas na may lubid pa sa leeg. Tila nanlumo si Tarsilo at nagbuntong-hininga.

“Kilala mo ba sila?” Tanong na muli sakanya.

Nanatiling walang kibo si Tarsilo.

Humaging ang latigo at lumagapak sa kanyang balikat. Nanginig siya. Ilang ulit pang lumatay ang pamalo sa likod ni Tarsilo, ngunit nanatili siyang walang kibo.

“Hagupitin siya hanggang magsalita o matodas!” sigaw ng nasusuya nang alperes.

“Magsalita ka na,” udyok kay Tarsilo ng kalihim-munisipal. “Papatayin ka rin lang nila.”

Ibinalik si Tarsilo sa bulwagan ng munisipyo. Naroroon pa ang bilanggong nananawagan sa lahat ng santo. Nagtatagis ang mga ngipin at nanginginig ang mga tuhod.

“Kilala mo ba ang taong ito?” tanong ni Padre Salvi.

“Ngayon ko lang siya nakita,” sagot ni Tarsilong naawang nakatingin sa lalaki.

Sinuntok muna ng Alperes si Tarsilo bago sinipa.

“Igapos siya sa bangko!”

Iginapos si Tarsilo sa bangko na napoposasan pa nang may bahid-dugo. Nagpalinga-linga ang kaawa-awa na parang may hinahanap, at namataan niya si Donya Consolacion. Nangungutya siyang humalakhak.Ikinagulat ng lahat ang kanyang pagtawa. Nang sundan nila ang kanyang tinitingnan ay Nakita nila ang nakapangangat-labing babae.

“Ngayon lang ako nakakita ng napakapangit na babae,” bulalas ni Tarsilo sa gitna ng naghaharing katahimikan. “Iibigin ko pang mahiga sa ganitong bangko kaysa sa tabi niya, di tulad ng alperes.”

Namutla si Donya Consolacion.

“Mapapatay mo ko sa palo, Ginoong Alperes,” patuloy ni Tarsilo. “Ngunit mamayang gabi’y igaganti ako ng iyong asawa pagyakap niya sa iyo.”

“Busalan siya!” sigaw ng pinunong nanginginig sa poot. “Paluin hanggang sa mamatay!”

Waring sadyang ninais ni Tarsilong mabusalan siya, sapagkat nangislap ang kanyang mga mata sa kasiyahan.

Sa hudyat ng alperes ay sinimulan ng sundalong nasasandatahan ng latigo ang nakakarimarin niyang gawain. Nayanig ang buong katawan ni Tarsilo. Isang impt na sigaw ang kumawala sa binusalang bibig. Itinungo niya ang ulo at kumalat ang mantsa ng dugo ng kanyang damit.

Nahihirapang tumayo si Padre Salvi. Namumutla siya at naglilimayon ang kanyang mga paningin. Nagtaas ng kamay at pasuray-suray na lumabas sa bulwagan. Sa lansangan ay nakita niya ang isang dalagang nakasandal sa pader. Nakatitig yaon sa kawalan at nanginginig na nakadipa sa lumang pader. Nanunuot sakanya ang init ng araw habang halos humihinga sa pagbilang ng malakas na pamalo. Nakababagbag ng damdamin ang kanyang panangis. Siya ang kapatid na dalaga ni Tarsilo.

Samantala, sa bulwagan ng munisipyo’y hapo na sa sakit si Tarsilo. Hindi na siya makadaing at tila hinihintay na lamang niyang mapagod ang mga nagpaparusa sa kanya. Sa wakas ay huminto sa pagpalo ang himhingal na sundalo. Ang alperes na namumutla sa poot at pagtataka ay humudyat na kalagan ng gapos si Tarsilo.

Noon din ay tumayo si Donya Consolacion at binulungan ang asawa. Tumango ang pinuno at nagwika:

“Timbain siya.”

Batid ng kahit sinong Pilipino ang kahulugan niyon.Hindi kilala ang imbentor ng gayong pagpapahirap, pero maaaring napakatanda na nitong pamamaraan. Marahil, isang kabalintunaan ang kasabihang sa balon nagmula ang katotohanan.

Ang balong yari sa mga batongbuhay ay maringal na nakatyao sa gitna ng patyo ng munisipyo. Isang lumang pagkakaayos ng kawayan ang nakatutulong sa pagtimba ng tubig sa madulas, marumi, at nangangamoy na balon. Mga basag na palayok, basura, at iba pang likido ang mga itinapon dito, na mistulang isa ring bilangguan. Ang ano mang itinatapon at winawalang-halaga ng lipunan ay ditto humahantong. Ang mahulog dito’y nawawala gaano man ito kahalaga. Gayunma’y hindi pinapatay ang balon. Kung minsan ay pinalalaliman pa ito sa mga bilanggo, hindi dahil sa makakabuti ang gayong parusa kundi dahil sa kabigatan ng gawain. Ang sinumang bilanggong pagtrabahuhin sa  balon ay nilalagnat na siyang sanhi ng kanilang pagkamatay.

Walang kakurap-kurap na pinanood ni Tarsilo ang mga paghahandang ginagawa ng mga guardia civil. Maputlang-maputla siya, nakangiwi ang kaniyang mukha na tila umuusal ng isang panalangin. Ang pagmamalaking dulot ng kabiguan ay para nang naglalaho. Maraming ulit na siyang yumuko at nagbaba ang paningin bilang pagsuko.

Dinala siya sa labi ng balon. Kasunod ni Donya Consolacion. May pananaghili niyang tiningnan ang bunton ng mga bangkay at humulagpos ang isang buntong-hininga.

“Sige na, magsalita ka na,” sabi sa kanya ng isang pulis-munisipyo.

Inalis nila ang busal ni Tarsilo at ibinitin siyang patiwarik. Ihuhulog siya sa balon nang una ang ulo at patatagalin sa ilalim ng tubig na parang timba.

Naghanap ng relo ang pinuno. Samantala, nakabitin si Tarsilo na ang mahabang buhok ay iwinawagayway ng hangin, bahagyang nakapikit ang kanyang mga mata.

“Kung kayo’y mga Kristiyan, kung kayo’y may mga puso,” pabuling niyang pakiusap, “bigla ninyo akong ihulog at iumpog sa bato ang aking ulo at patayin n’yo ako. Gagantimpalaan kayo ng Diyos sa inyong mabuting gawa. Isipin ninyong balang araw ay magkaganito rin kayo.”

Bumalik ang alperes na dala ang relo at pinamahalaan ang patitimba.

“Dahan-dahan, dahan-dahan!” sigaw ni Donya Consolacion habang pinanonood ang kaawa-awang lalaki. “Ingat!”

Dahan-dahang ibinababa ng pulley si Tarsilo. Nakikiskis ang kanyang ulo sa nakausling mga bato at tumubong mga layak. Inihinto ang pulley at sinimulang bilangin ng alperes ang mga Segundo.

Ang pantay na bulubok ng tubig ay tandang natauhang muli ang bilanggo. Dahil sa kabigatan ng panimbang ay mabilis na pumaitaas si Tarsilo. Maingay na nangalaglag ang mga bato’t tisa.

Maburak ang kanyang noo’t buhok, sugatan ang kanyang mukha, tumutulo ang basa niyang katawan nang makita siyang muli ng pangkat na tahimik na nanonood. Nanginig siya sa malamig na pagaspas ng hangin.

“Gusto mong magsalita?” namamaos na tanong ng alperes.

“Ikaw na ang bahala ssa kapatid kong dalaga,” bulong ni Tarsilong nakikiusap ang tingin sa isang pulis-munisipyo.

Muling lumangitngit ang kawayang paghugos at ang pinarusahang lalaki ay minsan pang nawala sa paningin ng lahat. Dumukwang si Donya Consolacion upang alamin kung hindi natigatig ang tubig sa kalaliman ng balon. Bumilang ng buong minute ang pinuno.

Nang itaas na muli ni Tarsilo ay nangungulubot at nangingitim ang kanyang mukha. Iginala niya ang namumukang mga mata sa mga nanonood na nakapaligid.

“Magsasalita ka na ba?” tanong ng alperes sa tinig na nawawalan ng pag-asa.

Umiling si Tarsilo kaya’t inihugos siyang muli. Unti-unti na siyang napapikit. Hanggang sa huling sandali’y sinasaliksik ng kanyang mga mata ang langit sa kinalulutangan ng mapuputing alapaap. Itinikwas niya ang leeg upang masilayan ang liwanag, ngunit noon di’y inilublob siya. Iniladlad ang kasumpa-sumpang balon at ipininid sa kanya ang mga panoorin sa mundo.

Lumipas ang ilang sandali. Ang nanonood na si Donya Consolacion ay nakakita ng malaking bulubok ng tubig.

“Nauuhaw siya!” halakhak niya.

Nanahimik na muli ang tubig. Humudyat lamang ang alperes makaraan ang isa’t kalahating minuto.

Hindi na nakangiwi si Tarsilo. Makikita ang puti ng kanyang mata sa bahagyang pagkakadilat niyon. Maputik at madugo ang lumalabas na tubig sa kanyang bibig. Hindi na nanginig ang kanyang katawan sa malamig na simoy ng hangin.

Walang kibong nagtinginan ang lahat na namumutla at nangingilabot. Iniutos ng alperes na ibaba si Tarsilo at umalis siyang nag-iisip nang malalim. Ilang beses na idiniit ni Donya Consolacion ang may-sindi niyang sigarilyo sa binti ni Tarsilo. Hindi man lamang gumalaw ang katawan niyon hanggang sa namatay ang sindi ng sigarilyo.

“Iniinis niya ang sarili,” bulong ng isang oulis. “Tingnan ninyo ang pagkakabaliktad din ng dila na parang sinikap niyang lulunin.”

Ang lahat ng iyon ay nasaksihan ng isang bilanggo na nanginginig at pinagpapawisan. Nagpagala-gala ang kanyang mga paningin na tulad ng isang baliw sa mga naroroon.

Inatasan ng pinuno ang kalihim-munisipal na imbestigahan ang bilanggo.

“Ginoo, ginoo,” iyak niya. “Ssabihhin ko kung ano man ang gusto ninyo.”

“Mabuti. Tingnan natin. Ano ang pangalan mo?”

“Andong, ginoo.”

“Bernardo… Leonardo… Ricardo… Eduardo… Gerardo… ano?”

“Andong po, ginoo,” sagot uli ng gago.

“Isulat na Bernardo o anumang gusto niyo,” pasiya ng alperes.

“Apelyido?”

Tiningnan ng bilanggong waring takot na takot ang kalihim-munisipal.

“Ano pang pangalan ang ikakabit mo sa Andong?”

“A, ginoo, Andong Luko-loko po.”

Napatawa ang nanonood at nahinto sa paglakad ang alperes.

“Trabaho?”

Tagapag-alaga ng mga puno ng niyog at utusan ng aking biyenan.”

“Sino ang nag-utos sa inyong lusubin ang kwartel?”

“Wala po, ginoo.”

“Ano ang gusto mong sabihing wala? Huwag kang magsisinungaling kundi’y ihuhugos ka sa balon. Ngayon, sabihin mo kung sino ang nag-utos sa iyo. Sabihin mo ang totoo.”

“Ang totoo po.”

“Sino?”

“Sino, ginoo?”

“Itinatanong ko sa iyo kung sino ang nag-utos sa iyong magrebolusyon?

“Ano pong magrebolusyon?”

“’Yong dahilan kaya ka nasa kwartel kagabi.”

“A, ginoo,” wika ng namumulang si Andong.

“Ang biyenan ko po.”

Sinundan iyon ng matutunog na halakhakan. Humintong muli sa paglalakad ang pinuno at mabalasik na tinitigan ang gago, na sap ag-aakalang makabuti ang kanyang sinabi ay masiglang nagpatuloy sa pagsasalaysay.

“Totoo po, ginoo, panay na bulok at tira-tirahan ang ipinakakain sa akin ng aking biyenan. Kagabi, nang malapit na ako rito’y sumakit ang aking tiyan. Nakita ko ang bakuran ng kuwartel at sabi ko’y madilim na naman kaya walang makakakita sa akin. Pumasok ako, at nang makatapos ako’y marami nang putukan, pero itinataas ko lang ang pantalon ko, ginoo.”

Pinatigil siya ng lumagapak na pamalo.

“Ipasok sa kulungan, utos ng alperes.” “Mamayang hapon, sa ulumbayan.”

Exit mobile version