Noli Me Tangere Buong Kabanata 60: Ang Kasal ni Maria Clara

              MALIGAYANG-MALIGAYA si Kapitan Tiago. Sa panahong ito ng kaguluhan ay walang sinumang gumambala sa kanya. Hindi siya ibinilanggo, inimbestigahan, o kaya’y kinoryente. Hindi rin nababad ang kanyang paa sa palagiang baha sa kulungan sa ilalim ng lupa, at isinailalim sa mga kademonyuhang alam na alam ng mga taong sibilisado. Ang mga kaibigan niya, o dating mga kaibigan (pagkat itinatwa niya ang mga kaibigang Pilipinong pinaghihinalaan ng gobyerno), ay bumalik na sa kani-kanilang bahay pagkaraan ng ilang araw na pagbabakasyon sa mga gusali ng pamahalaan. Mismong ang gobernador-heneral ang nagpauwi sa kanila dahil sa pag-aakalang hindi sila nababagay mamalagi sa propiyedad ng gobyerno. Nabigo nang gayon na lamang ang opisyal na umaasang magpapasko siyang kasama ng mayayaman

              Umuwing may sakit si Kapitan Tinong. Namumutla siya at minamanas. Hindi nakabuti sa kanya ang pagbabakasyon. Malaki ang kanyang ipinagbago. Ni hindi man lamang binati ang pamilya niyang umiiyak, tumatawa, nagsasalita nang walang kawawaan, at halos mabaliw sa galak. Hindi na rin nangahas lumabas ng bahay ang pobre upang makaiwas sa kapahamakang makabati ng isang subersibo. Kahit na ang matalino niyang pinsang si Primitivo ay hindi nakapagpasigla sa kanya.

              “Maniwala ka, pinsan,” sabi niyon, “kundi ko sinunog ang lahat ng papeles mo ay binitay ka na sana, pero kung sinunog ko ang buo mong bahay ay hindi sana nila ginalaw kahit isang hibla ng buhok mo sa ulo. Ngunit nangyari na ‘yan. Pasalamat tayo sa Divos at wala ka sa Marianas para magtanim ng kamote.”

              Batid ni Kapitan Tiago ang mga pangyayaring tulad ng kay Kapitan Tinong kaya’t nag-uumapaw ang kanyang pasasalamat na hindi niya matiyak kung sino ang pasasalamatan. Naniniwala si Tiya Isabel na ito’y gawa ng himala ng Birhen sa Antipolo, ng Virgen del Rosario, o ng Virgen del Carmen.

              Naniniwala si Kapitan Tiago sa mga himala, subalit idinagdag niyang:

              “Naniniwala ako, Isabel, pero hindi magagawa iyong mag-isa ng Birhensa Antipolo. Puwedeng tinulungan siya ng magiging manugang kong si Ginoong Linares na nakukuhang makipagbiruan sa Prime Minister. Siya’yong nakalarawan sa lingguhang magasin n’ong isang araw. Napakaimportante niya kaya’t kabilang mukha lamang niya ang ipinakita sa publiko.”

              Nangingiti at binabati niya ang sarili tuwing makasasagap ng mahalagang balita tungkol sa mga nangyayari sa San Diego. Hindi kataka-takang napabalitang bibitayin si Ibarra kahit na kulang ang ebidensiya laban sa kanya. Nito lamang bandang huli lumabas ang mga katibayan. Sinabi ng mga dalubhasa na puwedeng gawing kuta ang ipinatatayong paaralan bagama’t may karupukan dahil ito lamang ang maaasahan sa mga mangmang na katutubo, Napapanatag at napapangiti si Kapitan Tiago sa gayong bulong-bulungan.

              Iba-iba rin ang pala-palagay ng mga kamag-anak ni Kapitan Tiago sa mga pangyayari. Ang iba’y naniniwalang gawa ng himala ang magandang kapalaran ni Kapitan Tiago at ang iba nama’y nag-aakalang impluwensiya iyon ng politika. Ang huli’y hindi totoong mahalaga.Ang mga nainiwala sa milagro ay pangkat- pangkat din: ang sakristan mayor ng simbahan ng Binondo, ang magkakandila, at isang miyembro ng confraternidad ay nananalig sa himala ng Virgen del Rosario. Ang Intsik namang suki sa kandila ni Kapitan Tiago kapag nagtutungo siya sa Antipolo ay nagsalita ng ganito habang namamaypay at nangunguyakoy:

              “Wag kayo loko, Bilhen sa Antipolo siya; siya malakas sa lahat; ‘wag kayo loko!”

              Hinahangaan ni Kapitan Tiago ang Intsik na yaon bilang propeta, manggagamot, at iba pa. Hinulaan niyon ang namayapa nang asawa ni Kapitan Tiago nang anim na buwan na ang ipinagbubuntis. Sabi niyon:

              ‘’Kun’ bata lalaki at kun’ paktaylo, siya maganda-maganda babae.”

              At, ipinanganak nga si Maria Clara para matupad ang hula ng paganong Intsik.

              Ang maingat at matatakuting si Kapitan Tiago ay hindi makapagpasiya kaagad na tulad ni Trojan Paris nang ipapili rito ang pinakamagandang diyosa. Hindi siya makapili sa dalawang birhen sa pangambang makasakit stya sa isa at masama tuloy ang ibunga.

              “Ingat,” aniya sa sarili.”Huwag nating sirain ang lahat ngayon’’

              Nasa ganito siyang pag aalinlangan nang dumating ang mga kapanalig ng impluwensiyang politikal: Donya Victorina, Don Tiburcio, at Linares.

              Si Donya Victorina ang nagsalita para sa kanilang tatlo. Ibinalita niya ang pagdalaw ni Linares sa gobernador-heneral. Paulit-ulit niyang ipinamukha na mahalaga ang may kamag-anak na maimpluwensiya.

              ‘’Di bale na, patapos niyang wika.”Kung nakasandal ka sa malaking puno, protektado ka na.’’

              ‘’Baligtad’’, pagwawasto sa kanya ng doktor.

              Ilang araw nang ginagaya ni Donya Victorina ang puntong-Timog sa pamamagitan ng pagpapahaba ng bigkas sa mga patinig at pagpipigil naman sa mga katinig. Walang makapag-alis ng gayong ideya sa kanyang ulo. Kailangan muna sigurong alisan siya ng wig bago mabago ang gayong gawi.

              ‘’O…..o. wika pa niyang tinutukoy si Ibarra. “Mabuti ..nga sa kanya …. Nang una ko siyang makita ay nahulaan ko nang subersibo siya. Ano ang sabi sa’yo ng heneral, pinsan? Ano naman ang sabi mo sa heneral? Sige na. Sabihin sa amin ang mga ibinalita mo tungkol kay Ibarra.”

              Nang mapunang natitigilan ang kanyang pinsan ay nagsasalitang hinarap si Kapitan Tiago.

              ‘’Maniwala kayo, maniwala kayong kapag siya’y binaril, at tiyak ‘yong mangyayari, ito’y dahil sa pinsan ko.’’

              ‘’Misis, misis!” tanggi ni Linares.

              Pero, hindi siya pinansin.

              “Bakit ba masyado kang malihim? Ikaw ang kanang-kamay ng heneralat hindi siya mabubuhay nang wala ka, alam namin ‘yon. A….Clarita, mahal, mabuti’t narito ka!”

              Namumutla pa si Maria Clara bagama’t magaling-galing na. Sedang mangasul-ngasul ang lasong nakatali sa mahaba niyang buhok. Nahihiya siyang bumati sa kanila kasabay ang malungkot na ngiti bago siya humalik sa pisngi ni Donya Victorina na siyang kaugalian.

              Matapos ang karaniwang pagbabatian ay nagpatuloy si Donya Victorina, “Dinadalaw lang namin ikaw kayo, ngayo’y ligtas ka na dahil sa mabubuting kaibigan!” Makahulugan niyang tiningnan si Linares.

              “Iniligtas ng Diyos ang aking ama,” mahinang tugon ng dalaga.

              “Siguro, siguro nga, Clarita, pero hindi na panahon ngayon ng mga milagro. Kawikaan naming mga Kastila’y huwag kang maniwala sa birhen, mabuti pa’y magtiwala sa’yong mga paa.

              “Ba…baligtad!”

              “Paumanhin. ‘Yang mga paa mo ang huwag pagtiwalaan.”

              Si Kapitan Tiago na hindi makasingit sa usapan ay naglakas-loob na magtanong. Ang sagot ay lubhang nakatawag ng kanyang pansin.

              “Kung gayon, Donya Victorina, ay naniniwala kayo na ang birhen…”

              “Kaya nga kami naparito ay para kausapin kayo tungkol sa birhen.’’ matalinghaga niyang sagot na ikiniling ang ulo kay Maria Clara.

              Naunawaan ng dalagang kailangan siyang umalis kaya’t nagdahilan siya at nangabay sa mga silya’t mesa habang lumalayo.

              Ang mga napagkasunduan sa pag-uusap ay totoong kahiya-hiya at hindi magandang maitala pa. Sapat nang sabihing masisiglang umalis ang mga panauhin, at pinagbilinan ni Kapitan Tiago si Tiya Isabel:

              “Pasabihan ang restauran na may pagdiriwang tayo bukas. At, ibalita mo na rin kay Maria Clara na ipakakasal siya sa lalong madaling panahon.”

              Nanghihilakbot siyang tinitigan ni Tiya Isabel.

              “Makikita mo! Pag manugang na natin si Ginoong Linares ay maglalabas-masok tayo sa mga gusali ng gobyerno. Lahat ay maiinggit sa atin; mamamatay sila sa inggit!”

              Kaya’t nang ikawalo ng sumunod na gabi ay masikip na naman sa dami ng tao ang bahay ni Kapitan Tiago. Pero ngayon ay puro mga Kastila, Intsik, Espanyola, at mestisang Kastila ang kanyang mga panauhin.

              Kabilang dito sina Padre Sibyla at Padre Salviat ang ilan pang mga Pransiskano at Dominiko. Naroon din si Tenyente Guevara ng guardia civil na lalong anyong mabalasik. Ang dating alperes ng San Diego ay may pagmamalaking tumitingin sa bawat panauhin sa pag-aakalang siya ang ikalawang Don Juanng Austria na siyang bayani ng Lepanto. Pansamantalang medyor ngayon ang kanyang ranggo. Magalang ngunit natatakot na tinitigan siya ni Don Tiburcio de Espadaña kaya’t inilihis sa kanya ang mga mata. Naiinis naman si Donya Victorina. Hindi pa dumarating si Linares. Importante siyang tao kaya’t dapat na magpahuli kaysa iba pang panauhin.

              Sa grupo ng kababaihan ay kahalubilo si Maria Clara na siyang paksa ng kung ano-anong tsismis. Kahit nalulungkot ay maagap niyang binabati ang kanyang mga panauhin.

              “Tsh,” puna ng isang dalaga.”Makasarili, ano?”

              “Maganda rin,” sagot ng isa.”Pero, dapat naman sanang pumili ‘yong lalaki ng hindi mukhang tanga.”

              “Kuwarta, mahal! Puhunan ang mga binatang may katangian.”

              Sa ibang dako’y ito naman ang usapan:

              “Talaga bang, magpapakasal siya gayong ang una niyang katipan ay malapit nang bitayin?”

              “Yan ang tinatawag kong marunong sa buhay, may kapalit agad.”

              “Buweno, pag nawala ang mahal ko ….”

              Narinig marahil ni Maria Clara ang usap-usapan, pagkat kapuna-punang nanginig ang kanyang kamay habang nakaupo at inaayos ang mga bulaklak sa lalagyan. Napapansing madalas siyang mamutla at mapakagat-labi.

              Malakas ang pag-uusap ng kalalakihan tungkol sa pinakahuling mga balita. Nagsasalita ang lahat pati na si Don Tiburcio. Tanging si Padre Sibyla ang nanatili sa mapanghamak niyang katahimikan.

              “Nabalitaan kong ang Inyong Reberencia ay aalis sa San Diego, Padre Salvi,” puna ng pansamantalang medyor na pinagiliw ng mga naparagdag sa kanyang estrelya’t bagong ranggo.

              “Wala na akong gagawin dito.Magkakaroon ako ng permanenteng posisyon sa Maynila. At kayo?”

              “Aalis din ako sa bayang ito,” sagot niyang nag-iinat. “Kailangan ako ng gobyerno para harapin ang mga subersibo sa mga probinsiya.”

              Tiningnan siya mula ulo hanggang paa ni Padre Sibyla bago tinalikuran.

              ‘’Alam na ba kung ano ang gagawin sa puno ng mga aktibista?” usisa ng isang empleyado.

              “Tinutukoy n’yo ba si Crisostomo Ibarra?” tanong ng isa pa. “Malamang, at dapat lang, na garotehin siya tulad ng mga bandido n’ong 1872.

              ‘’Ipatatapon siya,” tuyot na wika ni Tenyente Guevara.

              “Ipatatapon, ipatatapon lamang! Pero, siguro’y ipatatapon siya nang habang-buhay,” sabay-sabay na sabi ng maraming tumututol.

              “Kung ang binatang iyon,” patuloy na wika ni Tenyente Guevarra sa malakas at makapangyarihang tinig, “ay naging maingat; kung hindi siya masyadong nagtiwala sa ilang taong kasulatan niya; kung ang ating taga-usig na mga abugado ay hindi totoong tuso sa pagpapakahulugan sa mga dokumento, tiyak na siya’y napawalang-sala.”

              Ang pahayag at tono sa pagsasalita ng matandang tenyente ay lubhang ikinagulat ng maraming nakarinig. Wala silang masabi. Iniwasan ni Padre Salvi ang nanunukat na tingin ng matandang lalaki. Nabitiwan ni Maria Clara ang mga bulaklak at naupong natitigilan. Ang nananahimik na si Padre Sibyla ang tanging nakapagsalita.

              “Yon bang mga sulat ang sinasabi n’yo, Tenyente Guevarra?”

              ‘’Inuulit ko lamang ang sinabi sa akin ng tagapagtanggol na buong sigasigna humawak ng kaso. Walang magamit na ebidensiya laban sa kanya maliban sa ilang pangungusap na may kalabuan ang kahulugan. Sinulat ito ni Ibarra sa isang babae bago siya nagtungo sa Europa. Pinalabas ng tagausig na ang gayong mga salita’y kakikitaan ng balak at banta laban sa gobyerno. At inamin ni Ibarrang sinulat niya ang mga iyon.”

              “Pa’no ‘yong testigo ng isa sa mga bandido bago namatay?”

              “Napawalang-bisa iyon ng tagapagtanggol dahil ang bandido na ring ito ang nagsabing kailanman ay hindi nila nakausap si Ginoong Ibarra, kundi ang isa lamang nagngangalang Lucas. Lumitaw namang kaaway siya ni Ginoong Ibarra, na nagpakamatay gawa marahil ng pagsisisi. Napatunayang palsipikado ang mga papeles na nakuha sa bangkay, sapagkat ang sulat-kamay ay kahawig ng kay Ginoong Ibarra nang nakaraang pitong taon, ngunit hindi na katulad ng sulat-kamay niya ngayon.Ang hinala ay iyong sulat niya sa babae ang hinuwad para sa palsipikadong mga papeles. Isa pa, sinabi ng tagapagtanggol na malakas sana ang laban ni Ibarra kundi niya inaming kanya ang sulat. Pero, namutla iyon nang makita ang sulat, nawalan ng loob, at inaming siya nga ang sumulat.’’

              “Sabi ninyo,” tanong ng isang Pransiskano, “na ang sulat ay sa isang babae ipinadala-paanong nakuha iyon ng taga-usig?”

              Hindi sumagot si Tenyente Guevarra. Sinulyapan si Padre Salvi at lumakad nang papalayo habang nagpapalitan ng kuro-kuro ang iba.

              “Namagitan ang Diyos dito!” wika ng isa. “Pati mga babae’y nasusuklam sa kanya.”

              “Ipinasunog niya ang kanyang bahay sa pag-aakalang makaliligtas siya..’’

              Samantala’y huminto sa tabi ni Maria Clara ang matandang tenyente.Anyo iyong nakikinig sa mga usapan. Wala siyang kakilos-kilos sa pagkakaupo habang nakakalat ang mga bulaklak sa kanyang paanan.

              “Lubha kayong maingat,” bulong ng matandang tenyente sa dalaga.”Mabuti ang ginawa ninyong pagsusuko sa sulat. Sa gayon ay makatitiyak kayo at ang inyong pamilya ng payapang kinabukasan.”

              Natitigilan at kagat ang labing tinanaw ni Maria Clara ang papalayong militar. Mabuti na lamang at siyang pagdaraan ni Tiya Isabel. Nagkalakas siyang kumapit sa damit niyon.

              “Tiya,” bulong niya.

              “Anong nangyayari sa iyo?” sagot ni Tiya Isabel na nanghilakbot sa anyo ng dalaga.

              “Samahan n’yo ako sa silid ko,” pakiusap niya. Humawak sa braso ng matanda upang siya’y makatayo.

              “May sakit ka ba, iha? Nanlalambot ka! Bakit ba?”

              “Nahihilo ako … sa dami ng tao ..masyadong maliwanag. Kailangan kong magpahinga. Sabihin n’yo na lang kay Papa na natulog na ako.”

              “Nanlalamig ka. Gusto mo ba ng tsa?”

              Umiling si Maria Clara. Pumasok sa silid at isinusi ang pinto. Nanghihinang nagpatibuwal sa paanan ng isang imahen, at nanaghoy sa kanyang ina.

              Naglalagos ang liwanag ng buwan sa bintana at sa pintong patungo sa balkonahe.

              Patuloy ang orkestra sa pagtugtog ng maiindayog na balse. Ang alingawngaw ng tawanan at bulungan ay naglalagos sa silid. Ang kanyang ama, Tiya Isabel, Donya Victorina, at pati si Linares ay hali-haliling kumatok sa pinto, ngunit hindi sila sinagot ni Maria Clara.

              Nagdaan ang mga oras. Natapos ang masaganang kainan. Naririnig pa rin ang ingay ng sayawan. Namatay ang ilawan sa silid. Hindi pa rin kumikilos ang dalaga sa sahig. Natatanglawan siya ng buwan sa paanan ng imahen ng Ina ni Hesus.

              Unti-unting tumahimik ang bahay; pinatay na ang mga ilaw. Kumatok na muli si Tiya Isabel.

              “Naku’t nakatulog,” malakas niyong wika. “Bata pa siya’t walang inaalala. Parang patay kung matulog.”

              Dahan-dahang tumayo si Maria Clara nang tahimik na ang lahat. Sa pagpapalinga-linga ay natawag ang kanyang pansin ng balkonahe at ng maliliit

niyong balag na naliligo sa mapanglaw na liwanag ng buwan.

              “Payapang kinabukasan! Parang patay!” bulong niya at lumabas sa balkonahe.

              Mahimbing ang lungsod. Ingay lamang ng karwahe and manaka-nakang maririnig sa pagtawid nito sa tulay na kahoy sa ilog. Masasalamin sa payapa nitong tubig ang liwanag ng buwan.

              Tiningala ng dalaga ang asul na asul na kalangitan at dahan-dahang nag-alis ng mga singsing niyang suot, hikaw, pang-ipit ng buhok, at suklay. Ipinatong niya sa barandilya ang mga iyon bago nanunghay sa ilog.

              Isang bangkang puno ng dayami ang humihinto sa pantalang bahagi ng bawat bahay sa tabing-ilog. Isa sa dalawang lalaki ang pumanhik sa hagdang bato at umakyat sa bakod. Ilang sandali pa’y narinig ang mga yabag niyong paakyat sa hagdang patungo sa balkonahe.

              Huminto iyon nang makita si Maria Clara, ngunit saglit lamang. Nagpatuloy ang lalaki hanggang sa tatatlong hakbang na lamang ang layo niya kay Maria Clara. Napaurong ang dalaga.

              “Crisostomo!” bulong niyang takot na takot.

‘’Ako nga si Crisostomo.’’ Mapait na pakli ng binata. ‘’Isang kaaway, isang taong may dahilang masuklam sa akin…. Si Elias, ang humango sa akin sa bilangguang pinagtapunan sa akin ng mga kaibigan ko.”

              Naghari ang nakababalisang katahimikan. Tumungo si Maria Clara at hinayaang kusang bumaba ang kanyang dalawang kamay.

               Nagpatuloy si Ibarra:

              ‘’Isinumpa ko sa bangkay ng aking ina na paliligayahin kita ano man ang mangyari sa akin. Maaari mong talikuran ang iyong pangako; hindi mo siya ina! Ngunit anak niya ako, banal sa akin ang kanyang gunita, kaya’t sinuong ko ang libong panganib sa pagparito upang tuparin ang aking pangako. Kalooban ng Diyos na magkaniig tayo. Maria, hindi na tayo magkikita kailanman. Bataka pa, ngunit maaaring bagabagin ka ng iyong sarili sa ibang araw. Naparito ako upang bago tayo magkalayo ay masabi kong pinatatawad kita. At ngayo’y lumigaya ka sana. Paalam!”

              Papaalis na si Ibarra nang makuhang pigilin ni Maria Clara,

              “Crisostomo,” aniya. “Pinaparito ka ng Diyos para iligtas ako sa kasawi. Pakinggan mo sana ako bago hatulan.”

              Marahang kumawala si Ibarra sa pagkakapit ni Maria Clara.

              “Hindi ako naparito para sumbatan ka kundi bigyan ng katahimikan isip.”

              “Hindi ko kailangan ang katahimikang inihahandog mo. Ako ang dapat na magbigay niyan sa aking sarili. Hinahamak mo ako at sa pagkasuklam mo papait pati kamatayan.”

              Namalas ni Ibarra ang kalungkutan at kawalan ng pag-asa ng kaharap kaya tinanong niya ang nais niyon.

              “Nais kong paniwalaan mong lagi kitang iniibig.”

              Mapait na ngumiti si Crisostomo.

              “Nag-aalinlangan ka sa akin, nag-aalinlangan ka sa iyong kababatang walang anumang inilihim sa iyo,” malungkot niyang wika.”Ngunit kung malalaman mo ang lihim ng aking buhay, ang masaklap na kasaysayang sinabi nila sa akin nang may sakit ako, ay mahahabag ka sa akin. Hindi mo ngingitian nang ganyan ang aking kalungkutan. Bakit hindi mo pa ako binayaang mamatay sa kamay ng walang-muwang na doktor na iyon? Ikaw at ako’y higit sanang maligava ngayon!

              “Ngunit, ginusto mo ang ganito. Saka ngayon ay pag-aalinlangan mo ang aking pag-ibig. Kung gayo’y patawarin sana ako ng aking ina. Isang gabi nang may sakit ako’t nagdaramdam ay may taong nagtapat sa akin kung sino ang tunay kong ama. Pinagbawalan niyang ibigin kita … hangga’t hindi ka ipinatatawad ng tunay kong ama dahil sa pinsalang ginawa mo sa kanya”

              Nanghilakbot na napaurong si Ibarra.

              “Sinabi niyang hindi siya makapapayag na tayo’y makasal pagkat laban ito sa kanyang konsiyensiya. At, mapipilitan siyang ibunyag ang tunay kong ama na si …”

              Ibinulong niya ang pangalan kay Ibarra.

              “Ano ang gagawin ko? Tatalikuran ko ba nang dahil sa pag-ibig ko ang alaala ng aking ina, ang karangalan ng itinuturing kong ama, at ang banal na pangalan ng tunay kong ama? Magagawa ko ba ito nang hindi ikaw na rin ang masusuklam sa akin?”

              “Pero, ang mga katibayan, nasa iyo ba? Kailangang hingin mo ang mga katibayan!” bulalas ni Crisostomo na nalilito.

              Hinugot ng dalaga ang dalawang papeles sa kanyang dibdib.

              “Dalawang sulat ng aking ina, sinulat nang totoong naghihirap ang kalooban no’ng buntis siya sa akin. Kunin mo’t basahin. at malalaman mo kung paano niya ako isinumpa at hinangad na mamatay. Namatay na sana ako kung nakakuha ang ama ko ng kailangang gamot. Nalimutan niya ang mga sulat na ito sa bahay na kanyang tinirhan. May ibang nakakuha at itinago. Ibinigay sa akin ang mga iyan, kapalit ng sulat mo … bilang katunayan, sabi niya, na hindi ako pakakasal sa iyo nang walang pahintulot ang tunay kong ama. Mula nang itago ko iyan sa halip ng sulat mo ay nakadama na ako ng panlalamig sa aking puso. Itinakwil kita. Isinuko ko ang aking pag-ibig. Ano ang hindi natin magagawa sa isang namayapang ina at dalawang buháy na ama?”

              Nanlumo si Ibarra.

              “Ano pa ang magagawa ko? Sa palagay mo ba’y masasabi ko sa iyo noon kung sino ang tunay kong ama? Mahihiling ko ba sa iyong humingi ka ng tawad sa kanya, siya na naging dahilan ng mga paghihirap ng sarili mong ama? Masasabi ko ba sa aking amang patawarin ka dahil anak niya ako gayong ninais niya noon pa ang kamatayan ko? Pinili kong magtiis, ingatan ang aking lihim hanggang kamatayan. Ngayong alam mo na, kaibigan, ang malungkot na kasaysayan ng iyong abang si Maria ay ngingitian mo pa ba siya nang nanghahamak?”

              “Maria, isa kang santa!”

              “Maligaya na ako pagkat naniwala ka.”

              “Pero,” wika ni Ibarrang nag-iba ang tinig. “Nabalitaan kong ikakasal ka.’’

              “Oo,” kaagad siyang nagpaliwanag. “Hinihiling ng ama ko ang ganitong pagpapakasakit. Binigyan niya ako ng tahanan at pagmamahal kahit hindi niya tungkuling gawin iyon. Gagantihan ko ang utang na loob na ito para makatiyak siya ng katahimikan sa bagong relasyon ito, ngunit…’’

              “Ngunit ano?”

    “Hindi ko malilimot na sumumpa akong magiging matapat sa iyo.”

              “Ano ang balak mong gawin?” tanong ni Ibarra na sinisikap basahin ang mga mata ng dalaga.

              “Madilim ang hinaharap. Walang makatitiyak sa ating kapalaran. Hindi ko alam ang gagawin ko. Ngunit minsan lamang akong umibig at hindi ako maaangkin ninuman nang walang pag-ibig.At ikaw, ano’ng mangyayari sa iyo?”

              “Isa akong takas. Hindi magtatagal at matutuklasan nila ang pagtakas ko.”

              Kinabig ni Maria Clara ang ulo ng binata at paulit-ulit iyong hinagkan sa labi. Niyakap niya’t itinulak pagkatapos.

              “Umalis ka na! Madali! Paalam!”

              Minasdan siya ni Ibarra na nagniningning ang mga mata. Umalis nang senyasan ni Maria Clara. Litong-lito siya.

              Nilundag niyang muli ang bakod. Dumukwang sa bandarilya si Maria Clara at tinanaw ang oag-alis ng binata.

              Nag-alis ng summbrero si Elias at yumukod nang mapatapat sila sa kanya.