Noli Me Tangere Buong Kabanata 7: Suyuan sa Asotea

Nang umagang iyon, maagang nagimba sina Maria Clara at Tiya Isabel. Bahagya pa lamang nakaaalis sa altar ang prayle, nagyaya nang umuwi ang dalaga. Hindi ito minabuti ni Tiya Isabel kaya pinangaralan niya ang pamangkin. Muntik nang maitugon ni Maria Clara na “Ako’y patatawarin ng Diyos sapagkat siya lamang ang nakatatalos ng puso ng isang dalaga.” Nagmamadali siyang umuwi dahil darating si Ibarra. 

Pagkatapos mag-agahan, upang huwag mainip, ipinagpatuloy ni Maria Clara ang pananahi. Bawat sasakyang magdaan ay nakapagpapasikdo ng kaniyang puso. 

Kinausap siya ni Kapitan Tiyago, “Dapat kang magpahinga muna sa lalawigan, Maria Clara. Ikaw ay namumutla. Ano sa palagay mo, sa Malabon o sa San Diego?” 

“Sa San Diego na, Pinsan. Maganda ang buhay natin doon. At isa pa’y malapit na ang piyesta.” 

Ikinatuwa ni Maria Clara ang mungkahi ng kanyang Tiya. Yayakapin sana niya ito ngunit namutla siya at napapitlag sa pagtigil ng isang sasakyan. Napatda siya sa kaniyang kinatatayuan. Nang marinig ang yabag na papalapit sa hagdan na sinundan ng kilalang tinig, patakbo siyang pumasok sa silid. Hinagkan ang santong si San Antonio saka sumilip sa susian ng pinto upang Makita ang anyo ng minamahal. 

Pumasok sa silid si Tiya Isabel at magiliw na niyaya siyang lumabas. Parang bata si Maria Clara sa pag-kakaakay ni Tiya Isabel. 

Nag-usap ang mga mata ng magsing-irog. Pagkalipas ng ilang sandal, lumabas sila sa azotea upang doon mag-usap. 

“Ako ba’y lagi mong naaalaala? Hindi mo ba ako nalimot sa iyong mga paglalakbay?” tanong ni Maria Clara lay Ibarra. 

“Maaari ba kitang malimot? Maaari ko bang limutin ang isang sumpa? Minahal mo si Ina at minahal ka niyang parang tunay na anak. Sumumpa ako sa harap ng kaniyang bangkay na kita’y paliligayahin maging ano man ang kapalarang idulot sa akin ng tadhana. Ngayon ay inuulitkong muli sa iyo ang sumpang iyon.” 

Idinugtong pa ni Ibarra na saan man siya magtungo ay alaala at larawan ni Maria Clara ang kasama niya sa lahat ng sandali. Tanging aliw pa niya sa kaniyang pag-iisa. 

“Ikaw ay magandang larawan ng aking bayan at ng España. Sa iyo pinagpisan ang kariktan at dakilang asal ng dalawang lipi. Kaya ang pag-ibig ko sa iyo at sa Inang-bayan ay iisa.” 

“Hindi ako nakapaglakbay na tulad mo,” nakangiting tugon ni Maria Clara, “ngunit sa loob ng beateryo ay lagi kitang naaalaala. Hindi rin kita malimot kahit  ipinag-uutos ng aking kompesor at ako’y parusahan niya nang mabigat. Lagi kong naaalaala ang ating kamusmusan, ang ating paglalaro, ang ating pagtatampuhan, at pagkakagalit.  

“Minsan, nagalit ka sa akin nang totoo. Iginawa mo ako noon ng putong na bulaklak at inilagay mo sa aking ulo. Kinuha ito ng iyong ina, dinikdik, at inihalo sa gugo. Natawa ako nang umiyak ka at tawaging hangal ng iyong ina. Hindi mo ba ako kinibo. Nang tayo’y pauwi na, kumuha ako dahoon ng sambong at inilagay ko sa loob ng iyong sombrero upang di sumakit ang ulo mo. Napangiti ka at hinawakan ko ang iyong kamay at tayo ay bati na.” 

Napangiti si Crisostomo. Kinuha niya sa kaniyang kalupi ang isang munting balot ng papel. “Hayan ang dahon ng sambong. Iyan lang nag ibinigay mo sa akin.” 

Si Maria Clara naman ang dumukot sa tapat ng kaniyang dibdib ng kaisa-isang liham ni Ibarra na namamaalam. Nilaktawan ng dalaga ang matatamis na kasinungalingang sinulat ni Ibarra para sa kaniya. Ang binasa niya’y ang salaysay ni Ibarra tungkol sa huling pag-uusap nilang mag-ama. 

“Ibig ng aking ama na ako’y umalis at di niya pinansin ang aking mga pakiusap. ‘Ikaw ay lalaki,’ ang wika niya sa akin. ‘Hindi mo matututuhan sa sariling bayan ang karunungan ng buhay upang mapakinabangan ka niya balang-araw. Kung mananatili ka sa aking piling, maaari kang matulad sa sinabi ni Balagtas: 

Para ng halamang lumaki sa tubig, 
daho’y nalalanta munting di madilig, 
ikinaluluoy ang sandaling init… 
gayundin ang pusong sa tuwa’y maniig. 

“Ipinagtapat ko sa aking ama ang dahilan ng di ko pag-alis – iniibig kita. Sandaling di umimik ang aking ama. Makaraang mag-isip, nagwikang ‘Ikaw ang tangi kong anak at dinaramdam ko ang iyong paglayo. Ikaw ang kaligayahan ng aking katandaan at sa iyong pag-alis ay maaaring di na tayo muling magkita. Ngunit titiisin ko ang aking pangungulila. Bata ka pa at ang hinaharap ay nabubuksan pa lang para sa iyo samantalang ako’y palubog na. Lumuluha ka at di makapagtiis ngayon para sa iyong kinabukasan at sa iyong bayan!’ Paluhod ko siyang niyakap, humingi ng tawad, at sinabi kong ako’y handa nang maglakbay.” 

Biglang napatayo si Ibarra. Napatigil sa pagbasa ng sulat ang dalaga. 

“Dahil sa iyo’y nalimutan kong may tungkulin akong dapat gampanan. Kailangan kong magtungo sa aking bayan. Bukas ay Araw ng mga Patay,” ang wika ni Ibarra. 

“Hindi kita pipigilin. Magkikita rin tayong muli. Ialay mo ang mga bulaklak na ito sa puntod ng iyong mga magulang,” ang wika ng dalaga at iniabot ang ilang pinitas na bulaklak. 

Pumasok sa silid-dalanginan ang dalaga. “Magtulos ka ng kandila para kina San Roque at San Rafael, ang patron ng mga manlalakbay,” ang utos ni Kapitan Tiyago sa anak na umiiyak sa larawan ng Birhen. 

Si Ibarra’y nanaog na kasabay sina Tiyago at Tiya Isabel.