Noli Me Tangere: Kabanata 2 Si Crisostomo Ibarra

Talasalitaan:

  • magara: maluho
  • nagsipagbansag: nagpakilala
  • nagulumihanan: naguluhan
  • napatigalgal: natigilan
  • pumaparam: pumapawi

Mga Pangunahing Tauhan sa Kabanata

  • Crisostomo Ibarra
  • Padre Damaso
  • Kapitan Tiyago
  • Tinyente Guevarra

Buod ng Kabanata 2

Sa pagdating ni Kapitan Tiyago, kasabay ang isang binata na tila nagluluksa dahil sa ka suotan nito, dali-dali siyang nagpahayag ng pagbati sa mga panauhin at humalik sa kamay ng mga pari.

Nagulat ang mga pari sa binata, lalong-lalo na si Padre Damaso nang kaniyang makilala ang binata. Ipinakilala naman ito ni Kapitan Tiyago bilang anak ng kanyang dating kaibigan na si Don Rafael Ibarra, ayon sa binanggit, ito daw ay pitong taong nakapag-aral sa Europa, na kadarating lamang.

Ang binata ay nagpakilala naman bilang si Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin na may kasamang pakikipagkamay, kaugaliang kaniyang nakuha mula sa Alemanya.

Ang magaslaw na si Padre Damaso ay tumangging kamayan si Crisostomo at sa halip ay tinalikuran nito si Ibarra. At lumapit naman si Tenyente Guevarra kay Ibarra at natuwa dahil nakarating siya nang ligtas. Pinuri rin niya ang kabutihan ni Don Rafael na kanyang ama, sa kaniya na naging dahilan upang mapanatag ang binatang si Crisostomo.

Si Padre Damaso ay palingon-lingon ng palihim sa Tenyente na tila bagang pinagbabantaan niya ito kung kaya’t tinapos na niya ang usapan nila ni Crisostomo Ibarra.

Nang maghahapunan na’y nag-anyaya si Kapitan Kapitan Tinong kay Ibarra na sumabay sa pananghalian nila kinabukasan subalit ay magalang itong tinanggihan ng binata dahil tutungo raw ito sa San Diego kinabukasan. Si Kapitan Tinong ay malapit na kaibigan ni Kapitan Tiyago at kaibigan din ni Don Rafael Ibarra.

Mensahe at Implikasyon ng Kabanata

  • Sa kabanatang ito ipinakaita ang pagtanggap ng mga tao kay Crisostomo, ang dahilan kung bakit mayroong salu-salo nung gabing iyon. Halos lahat ng naroon ay natigilan maging si Padre Damaso.
  • Ang paraan ng pakikitungo ni Ibarra sa mga naroroon ay nahaluan nang impluwensya ng mga tao mula sa Alemanya. Tulad na lamang ng pakikipagkamay at pakikipaghalubilo sa mga kababaihan at kalalakihan.
  • Noong panahon ng Espanyol ay iilan lamang ang mga Pilipinong may pribilehiyong magtungo sa ibang bansa upang makapag-aral. Karaniwan, mga ilustradong anak ng mayayamang pamilya lamang ang nakagagawa nito. Tulad ni Crisostomo Ibarra siya ay ipinadala ng kanyang ama upang magpakadalubhasa sa Europa. Tunay na kahanga- hanaga ang ugaling ipinamalas ni Ibarra bilang isang Pilipino sapagkat bagama’t siya ay pitong taong nanirahan sa lupain ng mga Kanluranin ay hindi niya nagawang limutin ang kanyang minamahal na lupang sinilangan.