Noli Me Tangere Kabanata 25: Tahanan ng Pilosopo

TALASALITAAN
  • heroglipiko: sinaunang paraan ng pagsulat sa Ehipto.
  • sangguni: paghingi ng payo
  • nakasandig: nakasandal; nakadepende
  • sasambulat: makikita; matutuklasan
  • binhi: butil ng halaman na itinatanim upang magbunga
PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA
  • Pilosopong Tasyo
  • Crisostomo Ibarra
BUOD NG KABANATA 25: TAHANAN NG ISANG PILOSOPO

Nagtungo si Ibarra sa bahay ni Mang Tasyo pagkatapos na dalawin ang kanyang bukirin. Nadatnan niyang nagsusulat sa heroglipiko ang matanda kaya’t nagpasya siyang umalis ngunit napansin siya nito.

Crisostomo Ibarra: Sumusulat po yata kayo sa heroglipiko. Bakit po kayo sumusulat kung ayaw ninyong maunawaan?

Mang Tasyo: Ito po’y inilalaan ko sa susunod na henerasyon. Susunugin po ang lahat kong aklat kung ito’y mababasa. Ang mga magsisisunod sa ati’y pawang matatalino at mauunawaan nila ito kaya’t maaari nilang sabihing may ilang hindi nahihimbing sa panahon ng kanilang mga ninuno.

Sapangiti nang kaunti si Ibarra at kinuha ang ilang papel sa kanyang kalupi.

Crisostomo Ibarra: Naging sanggunian kayo ng aking ama kaya’t nais kong isangguni rin sa inyo ang dapat kong gawin sa binabalak kong pagtatayo ng paaralan. Sino po ang dapat kong lapitan?

Mang Tasyo: Ang inyong gagawin ay pangarap ko rin, pangarap ng isang kawawang baliw kaya’t ang ipapayo ko sa inyo’y huwag ninyo akong tatanungin kailanman.

Si Mang Tasyo ay nag-isip at saka nagpatuloy.

Mang Tasyo: Ang susunod na maipapayo ko sa inyo’y ang sumangguni sa kura, sa kapitan ng bayan, at sa lahat ng mamamayan. Papayuhan nila kayo ng masasama ngunit ang magtanong ay hindi nangangahulugan ng pagsunod. Sundin ninyo kunwari ang payo at ipakita ninyong ang inyong ginagawa ay ayon sa kanilang akala.

Crisostomo Ibarra: Ang mabuting balak kaya ay hindi maipagpapatuloy sa gitna ng mga balakid? Kailangan pa bang bihisan ng kasinungalingan ang isang katotohanan? Sa palagay ko po’y magtatagumpay ang aking balak.

Mang Tasyo: Kung iaabot sa inyo ang kanilang mga kamay. At natitiyak ko sa inyong ang lahat ng inyong pangarap ay madudurog sa matitigas na pader ng Simbahan.

Crisostomo Ibarra: Kung iaabot sa inyo ang kanilang mga kamay. At natitiyak ko sa inyong ang lahat ng inyong pangarap ay madudurog sa matitigas na pader ng Simbahan.

Mang Tasyo: Ang pamahalaa’y kasangkapan lamang ng simbahan. Ang pamahalaa’y naniniwalang kaya lamang siya natatag ay sapagkat nakasandig siya sa pader ng kumbento at babagsak kapag siya’y iniwan.

Mang Tasyo: Ang baya’y hindi dumaraing sapagkat pipi, natutulog kaya hindi kumikilos. Ang pagdurusa niya’y hindi ninyo nakikita. Darating ang araw na magliliwanag ang kadiliman; ang lakas na tinipon nang daan daang taon ay sasambulat at ang mga buntong-hiningang tinitimpi ay magsisiklab.

Crisostomo Ibarra: Hindi nais ipahintulot ng Diyos, ng pamahalaan, at ng relihiyon na sapitin ang araw na iyan. Ang Pilipinas ay umiibig sa Espanya at alam naman ng bayang siya’y tinatangkilik. Kung ang Espanya ay may kakulangan, siya naman ay nagbabalak ng mabuti para sa bayan.

Crisostomo Ibarra: Ang sadya ko po’y ang inyong payo. Ang sabi ninyo’y magyuko ako ng ulo sa mga hari-harian. Ngunit, bakit? Hindi ko ba maaaring mahalin nang sabay ang aking bayan at ang Espanya?

Mang Tasyo: Sapagkat ang lupaing ito’y hawak ng inyong kaaway at kayo’y walang lakas na panlaban sa kanila….

Nagunita ni Ibarra si Maria Clara at ito’y nagpatibay isakatuparan niya ang balak bilang alay sa kasintahan.

Crisistomo Ibarra: Ano pong maipapayo n’yo?

Mang Tasyo: Tingnan ninyo ang malaking kupang na iyan. Maliit pa ‘yan nang itanim ko mula sa gubat. Tinukuran ko nang matagal hanggang sa kumapit ang kanyang ugat sa lupa. Ganyan din kayo, isang punong gubat sa Europa at inilipat sa mabatong lupaing ito.

Mang Tasyo: Kailangan ninyo ang sandigan at kayo’y magpakaaba. Nagbabala ang sigwa, kaya’t hindi katapangan kundi isang kapangahasan ang tumutol na nag-iisa sa lahat ng umiiral sa ngayon. Walang nakapipintas sa nagkukubli sa malakas na unos, at ang pagyuko sa isang dumarating na punlo ay hindi karuwagan; ang masama’y sumasalubong sa punlong iyan upang hindi na muling makabangon.

Tinanong ni Ibarra si Mang Tasyo kung ang pagtitiis niya ay magbubunga ng tagumpay. Nag-isip sumandali si Mang Tasyo at tumugon.

Mang Tasyo: Kung sakali mang kayo’y di magtagumpay ay mayroon din kayong napala. Sa mga binhing itinanim ninyo’y mayroon ding tutubong pagmumulan ng bagong pananim. At kayo ang magsisilbing tanglaw sa iba na natatakot magsimula.

Naniniwala po ako sa inyo. Kakausapin ko ngayon din ang kura at marahil ay hindi naman siya katulad ng umusig sa aking ama. Ibig ko rin pong makausap siya tungkol sa babaeng nabaliw at sa mga anak nito.

Alam Mo Ba?
  • Katulad sa sinaunang paraan ng pagsulat ng mga taga-Ehipto ang ating bansa ay mayroon ding sinaunang paraan ng pagsulat at ito ay ang baybayin. Nabago lamang ang paraan ng ating pagsulat nung dumating ang mga Espanyol. Ginawa niyang romanisado ang ating pagsulat, na sa halip na simbolo ay ginawang titik at hanggang sa kasalukuyan ito ang sistema ng pagsulat na ating ginagamit.
MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA
  • Hindi lamang maituturing na isang pantas si Pilosopong Tasyo kundi siya ay maituturing ding mulat sa lahat ng mga pangyayari sa kanyang paligid.
  • Nabigyan niya ng matalino at makabuluhang payo si Ibarra sapagkat alam niya ang totoong mukha at kulay ng politika sa kanilang bayan. Hindi lingid sa kanya ang lihim na kabulukan ng gobyerno at simbahan na hindi naman agad lubos na maunawan ng binata dahil ang totoo siya’y maituturing na estranghero sa kanyang sariling bayan.
  • Dahil na rin sa matagal nyang paglisan sa bayan ng San Diego.
  • Si Pilosopong Tasyo rin ay may malaking pagpapahalaga sa karunungan. Kaya naman malaking bahagi ng kanyang buhay ay ginugol niya sa pagbabasa. Mahalaga ang katalinuhan lalo na kung gagamitin ito sa makabuluhang bagay na maaaring makatulong at makabubuti sa nakararami at hindi sa pansariling intensyon lamang.