Noli Me Tangere Kabanata 51: Mga Pagbabago

TALASALITAAN

  • Nabalisa – hindi mapalagay, ligalig ang kalooban
  • Padrino – Táong tumutulong sa kapuwa o sa isang gawain; tagatangkilik, tagapagtaguyod.
  • Kapritso – paggawa o paghingi ng anuman nang walang kadahilanan o batayan kundi pára sa sariling kasiyahan; makasariling hilig o ibig.
  • Ekskomunyon – Pagtitiwalag sa relihiyon o sekta.
  • Katipan – kasintahan
  • Mamata-mata – nagmamasid

PANGUNAHING TAUHAN

  • Crisostomo Ibarra
  • Padre SalvI
  • Sinang
  • Maria Clara

BUOD NG KABANATA 51: Mga Pagbabago

Si Linares ay nabalisa nang makatanggap ng liham mula kay Donya Victorina. Kailangan niyang hamunin ang alperes ngunit hindi niya alam kung sino ang papayag na maging kaniyang padrino. Siya’y nagsisi sa pagsisinungaling at pagsasamantala. Siya ay labis na nagpadala sa kapritso ng Donya.

Dumating sa bahay nina Kapitan Tiyago ang kurang si Padre Salvi. Masaya nitong ibinalita ang tungkol sa sulat mula sa arsobispo tungkol sa pag-alis ng ekskomunyon kay Ibarra. Dagdag pa nito, si Padre Damaso na lamang ang sagabal sa pagpapatawad kay Ibarra ngunit kung si Maria Clara ang kakausap dito ay hindi makatatanggi ang pari. Narinig ni Maria Clara ang pag-uusap na ito at nagtungo siya sa silid kasama si Victoria.

Habang nag-uusap sina Padre Salvi at Kapitan Tiyago ay dumating naman sina Ibarra at Tiya Isabel. Binati niya ang Kapitan at si Linares.

Sinabi ni Padre Salvi ang papuri niya kanina sa kaniya habang kinakamayan niya ito at nagpasalamat ang binata sa narinig.

Ilang sandali’y lumapit si Ibarra kay Sinang upang itanong kung may galit si Maria Clara. Ayon kay Sinang ay ipinasasabi raw ni Maria na limutin na lamang siya ngunit gusto ng binatang  kausapin ang katipan ng harapan. Di nagtagal ay umalis na rin si Ibarra. Nang umalis siya ay naiwang masayang-maasim ang mukha ni Kapitan Tiyago. Mamata-mata lamang at walang kibo si Linares. Ang kura paroko naman ay kuwento nang kuwento at wala isa man sa mga babae ang muling lumabas.

MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA

  • Sa kabanatang ito ay ipinakitang muli ang kagaspang ng ugali ni Donya Victorina kung saan, inutusan n’ya ang kanyang pamangking si Linares na ipaghiganti kay Donya Consolacion. Minsan ay mahirap maipit sa ganitong sitwasyon kung saan wala ka namang kamalay-malay ngunit ikaw ay idadamay.
  •  Ang pamagat ng kabanatang ito ay pagbabago kung saan makikita ang pagbabago ng pakikitungo ni Padre Salvi kay Ibarra. Na siya mismo ang nagbalita sa pamilya Santiago na si Crisostomo ay hindi na ekskomulgado. At tila pagsang-ayon nito sa pag-iibigan ni Maria at Crisostomo.
  • Tila nagbago rin ang pakikitungo ni Maria kay Crisostomo sa kabanatang ito kung saan hindi niya hinarap ang kanyang kasintahan.
  • Tila kataka-taka ang mga kaganapan sa kabantang ito sapagkat sa mga naunang kabanata ay hindi ipinakita ang mga dahilan ng pagababago ng pakikitungo ni Padre Salvi at Maria.
Exit mobile version