Kay Estella Zeehandeelar: Liham ng isang Prinsesang Javanese


Mga Talasalitaan:

  • Emansipasyon – palayain ang isa kahit sa mga restriksyong politikal at maging malaya.
  • Javanese – ang mga Indian o Indo, isa sa may pinakamalaking pangkat etnikong Muslim sa Indonesia.
  • Regent – taong nakatalaga upang mamuno sa isang pangkat, o maaaring tagahalili sa pinuno kung ito ay wala o walang kakayanan/ baldado.
  • Bridegroom – isang lalaki na nakikita lamang bago o sa mismong araw ng kasal.
  • Dutch – mga Germanong grupong etniko mula sa Netherlands.

Mga Tauhan:

Raden Adjing Kartini – ang sumulat ng liham, panganay sa tatlong babaeng anak ng Regent ng Japara.

Estella Zeehandelaar – ang sinulatan ng liham. isang babaeng Dutch o Olandes

Pangeran Ario Tjondronegero ng Demak – ang lolo ng Prinsesang Javanese, sang kilalang lider ng kulisang progresibo, regent ng Gintnang Java na nagbukas ng pinto para sa mga panauhin mula sa ibang dagat.

Sipi ng Akda:

Japara, Mayo 25, 1899

Ibig na ibig kong makakilala ng isang “babaeng moderno,” iyong babaeng malaya, nakapagmamalaki’t nakaaakit ng aking loob! Iyong masaya, may tiwala sa sarili, masigla’t maagap na hinaharap ang buhay, puno ng tuwa at sigasig, pinagsisikapan hindi lamang ang sariling kapakanan kundi maging ang kabutihan ng buong sangkatauhan.

Buong kasabikan kong sinasalubong ang pagdating ng bagong panahon; totoong sa puso’t isip ko’y hindi ako nabibilang sa daigdig ng mga Indian, kundi sa piling ng aking mga puting kapatid na babae na tumatanaw sa malayong Kanluran.

Kung pahihintulutan lamang ng mga batas ng aking bayan, wala akong ibig gawin kundi ang ipagkaloob ang sarili sa mga nagtatrabaho’t nagsisikap na bagong kababaihan ng Europe; subalit nakatali ako sa mga lumang tradisyong hindi maaaring suwayin. Balang-araw maaaring lumuwag ang tali at kami’y pawalan, ngunit lubhang malayo pa ang panahong iyon. Alam ko, maaaring dumating iyon, ngunit baka pagkatapos pa ng tatlo o apat na henerasyon. Alam mo ba kung paano mahalin ang bago at batang panahong ito ng buong puso’t kaluluwa kahit nakatali sa lahat ng batas, kaugalian, at kumbensyon ng sariling bayan? Tuwirang sumasalungat sa kaunlarang hinahangad ko para sa aking mga kababayan ang lahat ng mga institusyon namin. Wala akong iniisip gabi’t araw kundi ang makagawa ng paraang malabanan ang mga lumang tradisyon namin. Alam kong para sa aking sarili’y magagawa kong iwasan o putulin ang mga ito, kaya lamang ay may mga buklod na matibay pa sa alinmang lumang tradisyon na pumipigil sa akin; at ito ang pagmamahal na inuukol ko sa mga pinagkakautangan ko ng buhay, mga taong nararapat kong pasalamatan sa lahat ng bagay. May karapatan ba akong wasakin ang puso ng mga taong walang naibigay sa akin kundi pagmamahal at kabutihan, mga taong nag-alaga sa akin ng buong pagsuyo?

Ngunit hindi lamang tinig nito ang umaabot sa akin; ang malayo, marikit, at bagong-silang na Europe ay nagtutulak sa aking maghangad ng pagbabago sa kasalukuyang kalagayan. Kahit noong musmos pa ako’y may pang-akit na sa aking pandinig ang salitang “emansipasyon”; may isang naiibang kabuluhan ito, isang kahulugang hindi maaabot ng aking pang-unawa. Gumigising ito para hangarin ang pagsasarili at kalayaan isang paghahangad na makatayong mag-isa. Ang puso ko’y sinusugatan ng mga kondisyong nakapaligid sa akin at sa iba, buong lungkot na pinag aalab ang mithiin kong magising ang aking bayan.

Patuloy na lumapit ang mga tinig na galing sa malayong lupain, umaabot sa akin, at sa kasiyahan ng ilang nagmamahal sa akin at sa kalungkutan ng iba, dala nito ang binhing sumupling sa aking puso, nag ugat, sumibol hanggang sa lumakas at sumigla.

Ngayo’y kailangang sabihin ko ang ilang bagay ukol sa sarili upang magkakilala tayo. Panganay ako sa tatlong babaeng anak ng Regent ng Japara. Ako’y may anim na kapatid na lalaki at babae. Ang lolo kong si Pangeran Ario Tjondronegoro ng Demak ay isang kilalang lider ng kilusang progresibo noong kapanahunan niya. Siya rin ang kauna unahang regent ng gitnang Java na nagbukas ng pinto para sa mga panauhin mula sa ibayong dagat ang sibilisasyong Kanluran. Lahat ng mga anak niya’y may edukasyong European, at halos lahat ng iyon (na ang ilan ay patay na ngayon) ay umiibig o umibig sa kanlurang minana sa kanilang ama; at nagdulot naman ito sa mga anak nila ng uri ng pagpapalaking nagisnan nila mismo. Karamihan sa mga pinsan ko’t nakatatandang kapatid na lalaki ay nagaral sa Hoogere-Burger School, ang pinakamataas na institusyon ng karunungang matatagpuan dito sa India. Ang bunso sa tatlong nakatatandang kapatid kong lalaki’y tatlong taon na ngayong nag-aaral sa Netherlands at naglilingkod din naman doon bilang sundalo ang dalawa pa. Samantala, kaming mga babae’y bahagya nang magkaroon ng pagkakataong makapag-aral dahil na rin sa kahigpitan ng aming lumang tradisyon at kumbensiyon. Labag sa aming kaugaliang pag-aralin ang mga babae, lalo’t kailangang lumabas ng bahay araw-araw para pumasok sa eskuwela. Ipinagbabawal ng aming kaugalian na lumabas man lamang ng bahay ang babae. Hindi kami pinapayagang pumunta saan man, liban lamang kung sa paaralan, at ang tanging lugar na pagtuturong maipagmamalaki ng siyudad namin na bukas sa mga babae ay ang libreng grammar school ng mga European.

Nang tumuntong ako ng ikalabindalawang taong gulang, ako ay itinali sa bahay – kinailangang “ikahon” ako. Ikinulong ako at pinagbawalang makipagugnayan sa mundong nasa labas ng bahay, ang mundong hindi ko na makikita marahil liban kung kasama ko na ang mapapangasawang estranghero, isang di-kilalang lalaking pinili ng mga magulang ko, ang lalaking ipinagkasundo sa akin nang di ko namamalayan. Noong bandang huli, nalaman kong tinangka ng mga kaibigan kong European na mabago ang pasyang ito ng mga magulang ko para sa akin, isang musmos pa na nagmamahal sa buhay, subalit wala silang nagawa. Hindi nahikayat ang mga magulang ko; nakulong ako nang tuluyan. Apat na mahahabang taon ang itinagal ko sa pagitan ng makapal na pader, at hindi ko nasilayan minsan man ang mundong nasa labas.

Hindi ko alam kung paano ko pinalipas ang mga oras. Ang tanging kaligayahang naiwan sa aki’y pagbabasa ng mga librong Dutch at ang pakikipagsulatan sa mga kaibigang Dutch na hindi naman ipinagbawal. Itong-ito lamang ang nag-iisang liwanag na nagpakulay sa hungkag at kainip-inip na panahong iyon, na kung inalis pa sa akin ay lalo nang naging kaawa-awa ang kalagayan ko. Lalo sigurong nawalan ng kabuluhan ang buhay ko’t kaluluwa. Subalit dumating ang kaibigan ko’t tagapagligtas ang Diwa ng panahon; umalingawngaw sa lahat ng dako ang mga yabag niya. Nayanig sa paglapit niya ang palalo’t matatag na balangkas ng mga lumang tradisyon. Nabuksan ang mga pintong mahigpit na nakasara, kusa ang iba, ang iba nama’y pilit at bahagya lamang ngunit bumukas pa rin at pinapasok ang mga di-inanyayahang panauhin.

Sa wakas, nakita kong muli ang mundo sa labas nang ako’y maglabing-anim na taon. Salamat sa Diyos! Malalabasan ko ang aking kulungan nang malaya at hindi nakatali sa isang kung sinong bridegroom. At mabilis pang sumunod ang mga pangyayari nagpabalik sa aming mga babae ng mga nawala naming kalayaan.

Nang sumunod na taon, sa oras ng pagtatalaga sa poder ng bata pang prinsesa (bilang Reyna Wilhemina ng Netherland), “opisyal” na inihandog sa amin ng mga magulang namin ang aming kalayaan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aming buhay, pinayagan kaming umalis sa bayan namin at pumunta sa siyudad na pinagdarausan ng pagdiriwang para sa okasyong iyon. Anong dakila ng tagumpay iyon! Ang maipakita ng mga kabataang babaeng tulad namin ang sarili sa labas, na imposibleng mangyari noon. Nasindak ang “mundo” naging usap-usapan ang “krimeng” iyon na dito’y wala pang nakagagawa. Nagsaya ang aming mga kaibigang European, at para naman sa amin, walang reynang yayaman pa sa amin. Subalit hindi pa ako nasisiyahan. Lagi, ibig kong makarating sa malayo, mas malayo. Wala akong hangaring makipamista o malibang. Hindi iyon ang dahilan ng paghahangad kong magkaroon ng kalayaan. Ibig kong malaya upang makatayo nang mag-isa, mag-aral, hindi para mapailalim sa sino man, at higit sa lahat, hindi para pag-asawahin nang sapilitan.

Ngunit dapat tayong mag-asawa, dapat, dapat. Ang hindi pag-aasawa ang pinakamalaking kasalanang magagawa ng isang babaeng Muslim. Ito ang pinakamalaking maipagkakaloob ng isang katutubong babae sa kaniyang pamilya. At ang pag-aasawa para sa amin – mababaw pa ngang ekspresyon ang sabihing miserable. At paano nga ba hindi magkakaganoon, kung tila ginawa lamang para sa lalaki ang mga batas, kung pabor para sa lalaki at hindi para sa babae ang batas at kumbensyon; kung ang lahat ng kaluwaga’y para sa kanila lamang.

Maikling Panunuri at Mensahe ng Akda

Ito ay isang uri ng di-pormal na sanaysay sapagkat ito ay nakabatay lamang sa kanyang sariling opinyon, karanasan at obserbasyon. Gumamit rin ito ng mga simpleng salita na madaling maunawan ng mga mambabasa.

Ang tema o nilalaman nito ay tungkol sa isang babaeng nais makalaya sa kanilang lumang tradisyon. Magkaroon ng pagkakataon na magdesisyon para sa kanyang sariling kapakanan.

Sa anyo at isturktura, maayos na nailahad ng sumulat ng liham ang kanyang mga saloobin

Ang damdamin ng may akda ay may paghihimagsik sapagkat nais niya ng kalayaan para sa kanyang sarili at iba pang mga kababaihan ng Java.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Exit mobile version